Ni: Danny J. Estacio
INFANTA, Quezon – Patay ang isang assistant provincial prosecutor ng Quezon makaraang barilin ng hindi nakilalang riding-in-tandem sa Barangay Tongohin sa bayan ng Infanta, nitong Biyernes ng tanghali.
Kinilala ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, Quezon Police Provincial Office director, ang biktimang si Reymund Fernandez Luna, nakatalaga sa Regional Trial Court Branch 65 sa Infanta.
Batay sa imbestigasyon, bandang 12:16 ng tanghali at kumakain ng tanghalian si Luna nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at barilin siya, ayon kay Senior Supt. Armamento.
Base sa salaysay ng mga saksi, kaagad na tumakas ang mga suspek sakay sa motorsiklo at humarurot patungo sa Bgy. Gumian.
Sinabi ni Senior Supt. Armamento na habang sinusulat ang balitang ito ay nagsimula na ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.
Hinihinalang may kinalaman sa trabaho ng piskal ang pamamaslang sa kanya.