Ni: Mary Ann Santiago

Apat na lalaki, na pawang itinuturong responsable sa panggagahasa at pagpatay sa isang 16-anyos na babae, ang nadakma kahapon ng mga tauhan ng Pasig City Police, habang pinaghahanap ang tatlo pang persons of interest.

Iniharap sa media ni Pasig City Police chief Police Senior Supt. Orlando Yebra ang mga suspek sina Joel Manuel, alyas Manuel, 31; Jomari Manuel, alyas Miong, 22; Emmanuel Manuel, Jr., alyas Bunso, 27; at John Jericho Peralta, alyas Jericho, 18, pawang nasa drug watch list at nakadetine sa Pasig City Police.

Nakatakdang sampahan ng kasong rape with homicide ang magkakapatid sa posibleng pagpatay at panggagahasa kay Grace Omadlao, 16, ng Martian Ville sa San Isidro Street, kanto ng San Pablo St., Centennial 2, Pinalad, sa Barangay Pinagbuhatan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Patay na nang matagpuan si Omadlao sa gilid ng kalsada sa Villa Esguerra Homes Nagpayong II, Bgy. Pinagbuhatan, dakong 5:00 ng madaling araw noong Lunes.

Hindi agad natukoy ng awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ni Omadlao na huling nakitang buhay habang papalabas sa isang computer shop, dakong 10:00 ng gabi ng Setyembre 3.

Sa resulta ng autopsy examination, namatay sa sakal ang biktima at may palatandaan na ginahasa ito bago pinatay.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar, mapapanood na sinundan ng mga suspek ang biktima.

Mayroon din umanong testigo na nagsabing kinaladkad ng mga suspek ang biktima bago ito natagpuang bangkay.

“Nagkaroon ng breakthrough dahil sa information ng impormante at witnesses na lumabas sila sa eskinita,” ani Yebra.

“May witness na nakakita sa grupo ng kalalakihan na parang may hinihintay at si Grace ay kinaladkad at dinala sa eskinita. May isa pang witness na nakarinig sa kuwentuhan na meron silang kukuning minor.”

Aniya, dalawa sa mga suspek ay inaresto bandang 5:00 ng hapon nitong Miyerkules habang ang dalawang iba pa ay nadakip nitong Huwebes ng madaling araw.