Ni Edwin Rollon

Protesta Para sa Pagbabago sa Sports, ilalarga vs Cojuangco.

TATLONG grupo ng mga ‘concerned sports officials’ ang nagkakaisa sa iisang layunin – kumbinsihin ang mga national sports association (NSA) na kumilos para mapababa sa puwesto si dating Tarlac Congressman Jose ‘Peping’ Cojuangco bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC).

Mula sa masigasig na palitan ng mensahe sa on-line at social networking site, dadalhin ng grupo ang kanilang hinaing sa lansangan sa isasagawang ‘Protesta Para sa Pagbabago sa Philippine Sports’ sa Setyembre 21.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“We’re still finalizing the venue para makasama ang iba pa nating kababayan na naniniwala na kailangan nang mabago ang mga tao sa POC. Sobra na, Tama na,” pahayag sa mensahe sa #ResignPepingMove sa facebook.

Kabilang sa mainit na nakikiisa sa usapin sina Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez, dating PSC Chairman Aparicio Mequi at Philippine Volleyball Federation (PVF) president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada.

Bukas na libro sa sports community ang hindi pagtatama ng mga mata nina Fernandez at Cojuangco matapos ibulgar ng dating PBA superstar ang mga ‘unliquidated expenses’ ng POC sa loob ng anim na taon, gayundin ang walang habas na paggasta sa kaban ng bayan sa pangangasiwa noon ni Richie Garcia – malapit na kaibigan ni Cojuangco.

“For almost 14 years in POC, bukod sa mga unliquidated expenses, walang nagyari sa sports under Peping Cojuangco.

Imbes na tumaas, spagetting pababa ang marka natin sa SEA Games,” pahayag ni Fernandez.

Sa nakalipas na SEA Games kamakailan sa Kuala Lumpur, nanatili ang Pilipinas sa ikaanim na puwesto sa overall standings sa napagwagihang 24 gintong medalya – mababa sa 29 na napagwagihan sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas.

Huling nakapagpamalas ng kagitingan ang Team Philippines sa biennial meet noong 2005 kung saan host ang bansa.

“After 2005, saan tayo napunta?Kawawa ang ating mga atleta. Hindi nagkukulang ang PSC sa pagbibigay ng financial support, pero hindi makaangat ang ating mga atleta dahil walang sistema at walang programa ang POC sa kanila,” sambit ni Fernandez.

Umaasa si Fernandez na magkakaroon ng pagbabago sa POC, ngayong maraming grupo ang kumikilos para mapatalsik si Cojuangco sa Olympic body.

Ayon sa isang source na kabilang sa kilos protesta, bukod sa Mequi group, handa ring makisama ang mga sports officials sa Visayas, gayundin ang ilang NSA presidents, kabilang si KL SEAG Chief de Mission Cynthia Carrion.

“Nagigising na ang ilang NSA president. Hari nawa’y makumbinsi na rin ang iba na walang pagbabago sa Philippine Sports under Peping Cojuangco,’ aniya.