Ni: Marivic Awitan

NAKOPO ng Ateneo de Manila University ang ikalawang sunod na panalo, ngunit naagaw ng Far Eastern University ang atensiyon sa naitalang ‘upset’ nitong Miyerkules sa men’s division ng Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference sa The Arena sa San Juan.

Nadomina ng Blue Eagles ang San Beda College, 25-23, 25-16, 27-25, para sa ikalawang sunod na panalo at makisosyo sa liderato sa University of Sto. Tomas.

Ngunit, ang Tamaraws ang sentro ng usapan nang masilat ang liyamadong National University, 25-23, 21-25, 25-21, 14-25, 15-13.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

Sa pangungun ni John Paul Bugaoan na humirit ng 18 puntos, tampok ang tatlong kill at isang service ace, nakabawi ang FEU mula sa opening day setback sa Blue Eagles nitong Linggo.

Nag-ambag si Richard Solis ng 15 puntos at tumipa sina Jude Garcia at Redjohn Paler ng 13 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Tams.

Hindi nababad sa laro ang may iniindang injury na si National team member Bryan Bagunas na nakadagdag sa hapis ng Bulldogs.

Nanguna sa NU si Fauzi Ismail sa natipang 19 puntos, habang kumubra si Kim Malabunga ng 15 puntos at sina James Natividad at Francis Saura na may pinagsamang 23 puntos.

Hindi naman napigilan ang opensa ni four-time UAAP Most Valuable Player Marck Espejo na humataw ng 15 puntos para sa Ateneo.