Ni: Liezle Basa Iñigo
Kinasuhan ng child abuse ang isang barangay chairman matapos niya umanong bugbugin ang isang estudyante ng Grade 11 sa Barangay Minanga Norte sa Lasam, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Rowel Cambe, chairman ng Bgy. Minanga Norte, habang ang biktima ay isang 16-anyos na estudyante ng Grade 11 sa Western Cagayan School of Arts and Trade (WCSAT), at taga-Bgy. Malinta, Lasam.
Napag-alaman na pauwi na ang biktima nang lapitan siya ng noon ay lasing na suspek, umano’y kinuwelyuhan at dalawang beses na sinuntok sa tiyan.
Inakusahan din umano ng suspek ang bata ng paggamit ng ilegal na droga, at kung anu-ano pa.
Dahil sa matinding takot ng biktima, nitong Miyerkules ng gabi lamang niya naisuplong sa pulisya ang insidente na nangyari noong Agosto 12 pa.