Nina MARY ANN SANTIAGO, CHARISSA M. LUCI-ATIENZA at SAMUEL MEDENILLA

Handa si Commission on Elections (Comelec) chairman Andres Bautista na harapin ang impeachment complaint na isinampa laban sa kanya House of Representative kamakalawa.

Ayon kay Bautista, isang pagkakataon ito para sa kanya upang makapagbigay ng kanyang panig at malinis ang kanyang pangalan.

“Sabi ko nga, ‘yan ay ipapaliwanag sa tamang panahon at sa tamang lugar,” aniya.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sinabi rin ni Bautista na ikinukonsidera niya ang paghahain ng leave of absence o tuluyan nang pagbibitiw sa puwesto.

Sa impeachment complaint na inihain nina dating Negros Oriental representative Jacinto Paras at Atty. Ferdinand Topacio, inaakusahan si Bautista ng “betrayal of public trust” dahil sa pagkabigo nitong tugunan ang hacking sa website ng Comelec noong Marso 2015 at maling deklarasyon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

NOVEL CASE

Sinabi ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na tatalakayin nila ang ouster complaint matapos maaprubahan ang panukalang P3.767 trilyon national budget para sa 2018 ng administrasyong Aquino.

“Once I receive it, we will meet on Tuesday so after the budget process siguro, we will take it up,” aniya sa mga mamamahayag sa sidelines ng deliberasyonng House Committee on Appropriations sa panukalang P16.15 bilyon budget ng Comelec para sa 2018.

Nilinaw ni Farinas na hindi maaaring tumestigo ang estranged wife ni Bautista na si Patricia dahil ipinagbabawal ng batas ang testimonya ng misis laban sa kanyang mister, kayat ang impeachment laban sa poll chief ay isang bagong kaso.

“This is a very novel issue because it’s the wife against the husband eh, meron tayong marital or spousal privilege that one spouse cannot testify against another except if the case is one between the other, yan yung sa Rules of Court,” aniya.

Inihain ang impeachment complaint matapos ibunyag ni Patricia na si Bautista ay mayroong hindi maipaliwanag na yaman na umaabot sa P1 bilyon, na hindi nito idineklara sa kanyang SALN.

PLEASE LEAVE

Kahapon, sama-samang nanawagan ang mga commissioner ng Comelec na magbitiw o maghain muna ng leave of absence si Bautista.

Sa pulong balitaan sa Sulu Hotel sa Quezon City, sinabi nina Commissioners Christian Robert Lim, Maria Rowena Amelia Guanzon, Lui Tito Guia, Arthur Lim, Sherrif Abas at Al Pareño, na nagpasya silang hikayatin si Bautista na bumaba na sa puwesto dahil napapabayaan na nito kanyang ang trabaho sa Comelec bunsod ng kinakaharap na problema.

“Our statement does not mean we believe his accusers. We maintain he should be presumed innocent until proven guilty,” anang Lim, ang pinaka-senior sa mga commissioner at napipisil na magiging acting chairman.