Ni REGGEE BONOAN
NAGKAROON ng tensyon sa presscon ng pelikulang Love You To The Stars and Back dahil sa sunud-sunod na tanong sa mga bida ng pelikula na sina Joshua Garcia at Julia Barretto.
Tinanong si Julia kung ano ang lagay nila ni Joshua dahil namamasdan ng lahat na tila may relasyon na sila.
“If I’m being very honest, I’ve learned to prioritize my work,” sagot ng dalaga. “But he’s become such an important person in my life and it’s not like nakakasagabal siya sa trabaho ko.
“So, I don’t see any problem naman na if ever pagsabayin ko. That’s because I’m being very honest right now,” pag-amin ng dalaga.
Maging ang ina ni Julia na si Marjorie Barretto na nasa di-kalayuan ay tinanong kung boto siya kay Josh, at sumagot ng, “Kung saan masaya at maligaya ang mga anak ko, okay sa akin.”
Klaro na ang sagot ni Julia na may gusto rin siya kay Joshua kaya nagtaka ang entertainment press kung ano ang pinanggagalingan ng binata nu’ng tanungin siya kung kailan siya nagsimulang manligaw, dahil parang nairita siya sa sunud-sunod na tanong sa kanya.
Sagot ng aktor, ‘ngayon po’ siya nagsimulang manligaw, na ibig siguro niyang sabihin ay kasalukuyan pa rin siyang nanliligaw dahil nagsimula raw ito pagkatapos nilang gawin ang Vince Kath and James (VKJ).
“Nu’ng look test pa lang po dati bago mag-VKJ, crush pa lang po dati,” malumanay sa sabi ni Joshua.
Pagpasok daw ng 2017 nagsimulang magparamdam ang aktor sa dalaga kaya ang sumunod na tanong ay kung ano na ang development ng panliligaw niya, dahil nga Agosto na, at Enero pala siya nag-umpisa.
“Ganu’n pa rin po,” matipid na sagot ng young actor.
“Ibig niya (Joshua) pong sabihin,” salo ni Julia pero pinigil ang dalaga para hayaang ang binata ang sumagot.
Katwiran ni Julia, “Kawawa naman po kasi siya baka magkamali sa sagot.”
At nakaisip na siguro ng isasagot ang aktor.
Nanliligaw pa rin po pero malalim na po talaga ang pinagsamahan namin at mas kilala na namin ang isa’t isa,” seryosong sabi ni Joshua, sabay sabing, “nakakatakot pa rin po kasing magtanong sa kanya hindi mo rin ini-expect kung ano ang puwede niyang sabihin, eh. Puwede siyang mag-hindi, eh. Kasi sa ngayon, ‘yung trabahong pumapasok sa amin, ang hirap sayangin. Kung (natigilan ulit) kasi nakakatakot talagang magtanong, oo, natatakot po ako.”
Bakit ganu’n ang inisip ng binata?
“Kasi parang lahat naman tayo natatakot ma-reject.”
Bakit naman naisip na ire-reject, e, umamin naman si Julia na magaan ang loob nito sa kanya?
“Kasi po talaga, wala po ako, ako po kasi ang taong insecure, mababa ang confidence ko,” pagtatapat nito.
Bakit may ganitong pakiramdam niya, e, halata namang may gusto na rin sa kanya ang aktres?
“Pero hindi rin naman ninyo ako masisisi kung ganu’n ang nararamdaman ko, ganu’n po ako na lumaki na,” saad ni Joshua.
Nasubukan na ba niyang ma-reject?
“Hindi pa,” kaagad na sagot ng binatilyo.
Napikon ba siya sa mga tanong sa kanya?
Kaagad siyang nag-thumbs up.
Komento ng broadsheet entertainment editor, “Hindi niya napaghandaan ang mga tanong? Dapat bini-brief muna sila o baka naman hindi siya sumunod.”
Pagkatapos ng Q and A ay agad naming nilapitan ang JoshLia.
“Na-tense ako, ha!” bungad ng dalaga.
Nasa likod kami nina Josh at Julia na kitang-kita naming magkahawak ang mga kamay. Ang kaliwang kamay ng aktor ay panay ang hagod sa beywang ng aktres samantalang sa may bandang puwitan naman ng aktor nakahawak ang dalaga.
Tinanong si Julia kung bakit sinasalo niya si Joshua sa Q and A at bakit emosyonal silang dalawa.
“Personally kasi when you see somebody who is special to you, you feel for him, so whatever he’s dealing, I’ll fight for him. I’m very protective,” pahayag ng dalaga.
Katwiran ni Joshua kaya siya emosyonal, “Hindi, kasi, nasabi ko na kasi ‘yung sagot, ayaw ko na lang pahabain pa.
Hindi naman ako napikon, ‘yung thumbs off (ibig sabihin), okay lang.”
Sundot ni Julia, “I asked him kasi kung okay lang siya.”
“May mga experience rin naman ako sa buhay na nahi-hit,” dagdag ng aktor. “Actually, tanong ko na lang ang hinihintay din niya, kasi natatakot nga ako.”
Kaya may nagtanong kay Julia kung may nararamdaman siya kay Joshua.
“Hindi ko naman siya (pinagbawalan), siyempre pinayagan ko siyang manligaw kasi may gusto rin naman ako talaga sa kanya,” pagtatapat ng dalaga kaya hiyawan ang lahat.
Napatingin si Joshua kay Julia na parang tinatanong na, ‘Tayo na?’
Dagdag pa ng dalaga, “At para hindi na po humaba, ‘yun na po talaga ‘yun.”
“Salamat talaga, kasi gusto niya ako,” masayang sabi ng aktor.
Sa madaling sabi, nagkaaminan ang JoshLia na mahal nila ang isa’t isa sa presscon ng Love You To The Stars And Back.
Sa Agosto 30 ang playdate ng pelikula nila mula sa direksiyon ni Antoinette Jadaone prodyus ng Star Cinema.