Ni FER TABOY, May ulat ni Aaron B. Recuenco

Patay ang 21 drug suspect sa magdamag na operasyon ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) sa dalawang siyudad at 10 bayan sa Bulacan kahapon.

Sinabi ni Senior Supt. Romeo Caramat Jr., director ng BPPO, na 64 ang naaresto sa 24 buy-bust operation at pagpapatupad ng dalawang search warrant simula 7:00 ng gabi nitong Lunes hanggang 7:00 ng umaga kahapon.

Inihayag pa ni Caramat na nakakumpiska ng 21 baril—kinabibilangan ng 17 revolver, isang .9mm pistol at isang .32 caliber—at mahigit 100 gramo ng shabu sa magkakahiwalay na pagsalakay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa Marilao, sinabi ni Caramat na napatay sina alyas “Egoy” at “Tom”, na kapwa umano armado ng .38 caliber revolver at improvised shotgun, at nasamsaman din umano ng anim na sachet ng shabu.

Napatay din makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa Obando sina alyas “Enan” at “Justin”, at sinasabing nakumpiskahan ng isang .38 caliber revolver, isang .9mm pistol, at 50 gramo ng shabu.

Napatay din ang pawang kinilala lamang sa mga alyas na sina “Berth” sa Pulilan, “Alvin” sa Balagtas, “Chris” sa San Miguel, “Jerome” sa Plaridel, “Yayot” at isang hindi kilalang suspek sa Guiguinto, “Arnold” at isang hindi kilalang suspek sa Norzagaray, “Willy” at “Jeffery” sa Malolos, “Elias” at “Eugene” sa San Jose del Monte, “Macoy” sa Sta. Maria, “Poging Manyak” sa Baliwag, at isang hindi pa nakikilalang suspek.

Napatay naman nang magpatupad ng search warrant kina alyas “Allan Tattoo”, at isang hindi kilalang suspek.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa na simula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30, 2017 ay umabot sa 86,030 drug suspect ang naaresto at 3,264 ang napatay sa mga operasyon ng pulisya.