Ni: Mary Ann Santiago
Isang 11-anyos na lalaki na umano’y special child ang nasawi nang mahulog at malunod sa estero habang nilalaro ang mga alagang manok ng kanilang kapitbahay sa Paco, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Wala nang buhay si Rvin Dequiro, 11, ng Burgos Street, Paco, nang maiahon ng mga awtoridad.
Batay sa inisyal na ulat ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na posibleng nalunod ang bata sa pagitan ng 2:00-2:20 ng umaga sa Estero de Concordia sa may Burgos Street. Nauna rito, sinabi ng mga hindi nagpakilalang kapitbahay na nakita nilang pabalik-balik na tumatakbo sa lugar ang bata malapit sa estero ngunit nang makita ito ng ama ay kaagad na pinauwi.
Gayunman, lingid sa kaalaman ng mga magulang, muling nakalabas ng bahay ang bata at huli umanong nakitang buhay ng isa pang kapitbahay habang nilalaro at hinihimas ang kanilang mga alagang manok malapit sa estero.
Kaagad namang hinanap ng mga magulang sa naturang lugar ang paslit ngunit laking pagkabigla ng mga ito nang makitang palutang-lutang at wala nang buhay ang bata sa estero.
Hinala ng mga awtoridad, aksidenteng nahulog ang bata sa estero habang naglalaro.