Ni ABIGAIL DAÑO
Para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, nagdaos ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng tatlong araw na plenaryong sesyon, ang “Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino (Pagbabalik, Pagbabantayog sa Filipino)” sa National Museum sa Maynila noong nakaraang linggo.
Ilan sa mga paksang tinalakay sa nasabing sesyon ay ang mga “Kultura at Kaligiran”, “Iba’t ibang dulog sa pagbasa sa panitikang rehiyonal”, “Pagbabaybay at Bansa”, “Retorika ng Tradisyong Pampanitikan”, “Mga usapin sa pananaliksik at pagtuturo ng wika”, “Pagpopook sa mga Metodo sa Araling Filipino”, “Tradisyong Español sa Panitikan ng Filipinas”, at iba pa.
Ilan sa mga naging tagapagsalita sa tatlong-araw na sesyon ang reporter na si Alfonso Tomas “Atom” Araullo, Guillermo Ramos, Jr. ng Culinary Historians of the Philippines, Mary Jane B. Rodriguez-Tatel ng University of the Philippines-Diliman, at Xiao Chua ng De La Salle University.
Sa pagtatapos ng tatlong-araw ng sesyon, iginiit ng direktor heneral ng KWF na si Roberto T. Añonuevo ang paggamit ng Filipino bilang opisyal na lengguwahe sa pagtuturo sa paaralan, alinsunod sa Kapasiyahan Blg. 2017-1.
“Hikayatin ang mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng, ngunit hindi limitado sa, Kagawaran ng Edukasyon, Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon, at iba pang pribadong institusyon sa gobyerno, na palakasin pa ang paggamit ng Filipino bilang wika ng edukasyon,” ani Añonuevo.
Nagkaroon din ng malayang talakayan ang mga dumalo tungkol sa iba’t ibang aspeto ng wikang Filipino.
“Lagi kong sinasabi sa mga bata na talagang Filipino ang gamitin, ‘wag kalimutan ang Tagalog. Hindi masamang mag-aral ng ibang wika pero ‘yung grammar natin sa Tagalog, kasi minsan nasasabi ko, tayo ‘yung Pilipino na parang ‘di Pilipino, kasi hindi kayo marunong magsalita ng tamang grammar ng Filipino,” sabi ni Rizalina Aquino, guro sa Filipino at Kasaysayan sa Northern Rizal Yorklin School.
Dumalo rin sa sesyon ang iba’t ibang organisasyon na nagsusulong sa wikang Filipino, tulad ng Sentro ng Wikang Filipino, Philippine Studies Association, mga guro sa Filipino mula sa iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan, at mga komisyuner ng KWF.