TINANGHAL na Philips Gold-PVL Press Corps Player of the Weeks si Jerrili Malabanan ng BaliPure.
Pinangunahan ni Malabanan ang Water Defenders sa pagsungkit sa ikaapat na sunod na top 4 ng koponan sa torneo.
Hataw siya ng 14 puntos at walong digs sa matikas na panalo ng BaliPure, 25-21, 25-16, 25-23 kontra Pocari Sweat nitong Linggo.
Si Malabanan ang ikatlong offensive option ng Water Defenders sa likod nina Grethcel Soltones at Risa Sato sa Open Conference, tampok ang kabuuang 86 puntos sa 73 spikes, 10 service aces at tatlong blocks.
Nakopo ng BaliPure ang No.4 seed tangan ang 4-3 karta sa eliminations at makakaharap ang walang talong Creamline sa best-of-three semifinals simula sa Sabado.
Iginiit ni Malabanan na tumibay ang BaliPure sa matikas na coaching ni coach Roger Gorayeb.
“When we enjoy ourselves, coach (Roger Gorayeb) always tells us that it’s good we’re enjoying but we have to stay calm and focused. He’s the one that calms us down,” sambit ni Malabanan.
Ginapi ni Malabanan sa parangal sina Cool Smashers’ Cesca Racraquin at Jia Morado.