Ni: Mary Ann Santiago
Selos ang tinitingnang motibo ng awtoridad sa pananaksak ng isang lalaki sa kanyang nakatalo sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Mary Johnston Hospital si Ricardo De Mesa, 47, construction worker, ng 378 Ibarra Street, sa Tondo, habang mabilis namang tumakas ang itinuturong suspek na si Romeo Constantino, Jr., alyas Pangie, ng 340 Sandico St., na kalalaya lamang sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Charles John Duran, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang insidente sa San Dico St., kanto ng Pacheco St., dakong 7:30 ng gabi.
Sa hindi pa malamang dahilan, nagtalo ang biktima at ang suspek hanggang sa bumunot ng patalim si Constantino at pinagsasaksak si De Mesa sa tagiliran, dibdib, at mukha.
Kahit sugatan, nagawa pang makauwi ng biktima at isinugod pa sa ospital ngunit nalagutan din ng hininga.