Ni: Mike U. Crismundo
BUTUAN CITY – Muling inalerto kahapon ng pamunuan ng Police Regional Office (PRO)-13 ang lahat ng field unit nito sa rehiyon kasunod ng serye ng pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao.
Una nang inalerto ng command group ng PRO-13 ang lahat ng field unit nito kaugnay ng intelligence report na magsasagawa ng mga pag-atake ng NPA bago sumapit o sa mismong araw ng State of Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Lunes, Hulyo 24.
Inatasan na ni PRO-13 Director Chief Supt. Rolando B. Felix ang mga regional, provincial, at city mobile force commander, at mga city at provincial director, gayundin ang mga hepe ng mga munisipalidad, na paigtingin ang seguridad sa kani-kanilang himpilan laban sa anumang pagsalakay ng NPA.
Ipinag-utos din ni Chief Supt. Felix ang “round-the-clock” na pagpapatrulya sa kani-kanilang lugar.
“Body-body system must be also practiced at all times and the best defense is always offense,” aniya.
Pinababantayan din niya ang mahahalagang pasilidad ng gobyerno at maging mga private installation, at nagpapakalat din ng mga checkpoint sa iba’t ibang dako ng rehiyon, partikular sa mga hangganan.
Matatandaang nitong Miyerkules lamang ay sinalakay ng NPA ang isang plantasyon ng saging sa Tago, Surigao del Sur at pinagpuputol ang mga puno ng saging sa lugar.
Sinira rin ng mga rebelde ang mga construction equipment sa Sitio Bioborjan, Barangay Rizal, Surigao City nang araw ding iyon.
Nauna rito, sinalakay ng NPA ang bahay ng bise alkalde ng Cortes, Surigao del Sur at sinamsam ang mga armas ng opisyal.