Ni: Bella Gamotea

Patay ang isa umanong holdaper makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Sr. Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque City Police, ang nasawi na si Antonio Vinculado, Jr. y Vergara, alyas Plang-Plang, 32, ng Masigla Compound, Barangay San Dionisio ng nasabing lungsod.

Base sa ulat, naganap ang engkuwentro sa Riverside Kaybuboy Bridge, Bgy. San Dionisio, dakong 12:50 ng madaling araw.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Una rito, nag-aabang ng masasakyan si Janel Flores y Hernandez nang sumulpot sa kanyang likuran ang armado at nagdeklara ng holdap sa Ninoy Aquino Avenue, Bgy. San Dionisio.

Sapilitan umanong kinuha ni Vinculado ang bag ni Flores na naglalaman ng cell phone, cash at iba pang personal na gamit bago tumakas patungong Kaybuboy Bridge.

Agad humingi ng tulong si Flores sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 4 at hinabol ang suspek.

Sa halip na sumuko, bumunot ng baril at pinaputukan ng suspek ang mga pulis kaya gumanti ang mga ito hanggang sa napuruhan si Vinculado.

Bukod sa bag ni Flores, narekober din ang dalawang basyo ng .9mm, isang homemade gun na kargado ng calibre .22, isang magazine na may dalawang bala ng caliber .22, isang pakete ng hinihinalang shabu, cell phone at charger, at P1,780 cash