Ni: Bella Gamotea

Naghihimas ng rehas ang isang driver na naaktuhang nagtapon ng mga bala ng baril at paltik sa Makati City kamakalawa.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act o RA 10591 si Rosel Obillo y Almerio, 29, ng No. 182-C, 19th Avenue, East Rembo ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), inaresto ang suspek sa 20th Avenue, East Rembo, dakong 4:30 ng madaling araw.

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Una rito, rumesponde si PO2 Alvin Sy at ang Barangay Bantay Bayan sa isang insidente ng pagnanakaw (theft) sa lugar.

Habang kinakausap ng awtoridad ang biktima ng pagnanakaw, napansin nila ang isang kahina-hinalang kilos ng lalaki na may inihagis sa madilim na bahagi ng bangketa.

Agad nilapitan at sinita ni PO2 Sy at ng mga tanod ang lalaki at nadiskubreng tatlong bala ng caliber .45 baril at isang improvised handgun ang itinapon nito na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.