Ni: Fr. Anton Pascual

KAPANALIG, ayon sa World Economic Forum (WEF), may limang pangunahing hamon o key challenges ang sandaigdig.

Dalawa sa mga hamon na ito ay may kaugnayan sa ekonomiya. Mas kailangan, kapanalig, na gawing mas masigla ang pagbuhay at pag-angat ng ekonomiya ng mga bansa ngayon. Mas lumalawak na ang income disparity o hindi pagkakapantay-pantay hindi lamang sa ating bansa, kundi sa maraming bansa sa buong mundo. Naging mas mahirap pa ito tugunan ngayon dahil ang mood o political climate sa maraming bansa, ayon sa WEF, ay “anti-establishment populism.” Ramdam ito sa ating bansa, kapanalig. Ang karamihan sa ating mga demokratikong institusyon ay tila sinusubukan ngayon, at hindi na kasing lakas o kasing lawig ang suporta sa mga ito. Ang pangalawang hamon: kailangan na nating suriin ang merkado at lipunan. Gaano ba tayo naging “inclusive” bilang isang bansa?

Kaugnay ng pagsusuri na ito ang susunod na hamon sa ating daigdig: ang pagkakilanlan at komunidad. Sa buong mundo, kapanalig, nagbabago ang mga pananaw at ugali mula sa indibiduwal na lebel hanggang sa malawakang lipunan. Ang ating mga depinisyon ng kasarian, lahi, kulay, relihiyon, maging ang pulitika ay nagbabago. Marami na ang nalilito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagkakaroon, ayon sa WEF, ng “cultural schisms.” Mas lalo tayong kumakalas sa isa’t isa, kapanalig, sa halip na maghawak-kamay at sabay-sabay iangat ang buhay ng kapwa.

Sa gitna ng pagbabago na ito, ang teknolohiya ay nagdadala rin ng mga bagong inobasyon na bumabago rin ng ating buhay. Ito ang pangatlong hamon. Paano ba natin mapapamalakaya at magagamit ang teknolohiya upang payabungin ang buhay ng tao? Sa ngayon, ang kapangyarihan ng teknolohiya ay tila parehong regalo at sumpa.

Ang mga global-wide virus at ransom ware attacks, ang hacking at iba pa ay malaking banta sa buhay at kabuhayan ng tao. Kaya nitong sirain ang ilang taon ng pagsasaayos ng mga procedures at sistema ng mga organisasyon at ahensiya.

May kontrol din ang teknolohiya sa takbo ng pera.

Ang mga isyung pangkalikasan ay isa rin sa mga pangunahing hamon ng maraming bansa ngayon. Handa ba tayo, kapanaig, sa climate change? Kaya ba nating harapin ang mga pagbabagong dala nito sa ating weather patterns? Maliban sa climate change, kumusta na ang ating karagatan, ang hangin, at ang lupa? Tatagal pa ba sila ng maraming panahon, o matatabunan na lamang sila ng ating mga basura?

Ang global cooperation ay panglima sa mga hamon na hinaharap ng mga bansa ngayon. Nagkakaisa pa ba ang mga bansa? May mga pamantayan ba tayong sinusundan at nirerespeto na gumagabay sa ating pakikisalamuha at pakikipag-ugnay sa isa’t isa?

Ayon sa Laudato Si, tayo ay isang pamilya at iisa ang ating tahanan. Ang lahat ng hamon na ito ay hamon sa atin bilang isang pamilya. Sa gitna ng lahat ng pagbabago at ng mga problema, magsasama-sama nawa tayo. Iisa lamang ang ating mundo. Magkakaiba man tayo, iisa lamang ang ating pamilya. Nawa’y tayo ay magkaisa.