Ni: Nitz Miralles
TINAPOS ni Angelika dela Cruz ang isang taong pamamahinga sa showbiz nang tanggapin ang offer ng GMA-7 na maging bahagi ng number one daytime program na Ika-6 Na Utos. Nakatulong din kay Angelika na balikan ang showbiz nang tawagan siya ng kaibigan at kumare niyang si Sunshine Dizon para samahan ito sa nabanggit na afternoon teleserye.
“Tinawagan ako ni Sunshine at tinanong kung gusto kong masama rito dahil alam niyang hindi pa ako back to work. Ang usapan namin ni Perry (Lansigan, manager niya), next year pa ako magtatrabaho. Ang dami kasing trabaho sa Malabon (konsehal siya) at mataba pa ako para muling magtrabaho. Kinausap nga ako ni Sunshine at sabi rin ni Perry, tanggapin ko, kaya heto nagtatrabaho na uli ako,” sabi ni Angelika.
Right timing rin na pumayat na si Angelika and in fact, 70 lbs., na ang nawala sa kanya sa pamamagitan ng workout at pagiging vegan. No meat and no rice, less sugar and less salt siya ngayon at nakita nga namin ang food niya na quinoa rice at puro vegetables. Nasanay na siya at hindi na hinahanap ang mga iniwang pagkain na nagpataba sa kanya.
Ginagampanan ni Angelika ang importanteng role ni Geneva sa Ika-6 Na Utos. Pasabog ang mga eksena niya at nang dumalaw kami sa taping, may eksena sila ni Mike Tan na bilang si Angelo ay kanyang pagnanasaan.
“Kontrabida ang role ko rito at hindi isyu sa akin ‘yun. Pahihirapan ko si Emma (Sunshine) at tinitiyak ko na kaiinisan ako ng viewers. Pero hindi agad ako humahalimaw, dahan-dahan muna. Hanggang August naman ang kontrata ko.
Tinanggap ko ang role ni Geneva dahil may challenge,“ sabi ni Angelika.
Nagsimula nang lumabas ang karakter ni Angelika sa Ika-6 Na Utos, pero sa papasok na linggo pa siya magsisimulang magmaldita hanggang maging halimaw.