Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang isang lalaking nasa drug watch list nang targetin ng riding-in-trio habang nakatayo malapit sa kanyang bahay sa Barangay Hulo, Mandaluyong City, nitong Biyernes ng hapon.

May mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa leeg at dibdib si Reynaldo Bait Jr., nasa hustong gulang, at residente sa naturang barangay.

Samantala, nakatakas naman ang tatlong hindi nakilalang suspek, na sakay sa isang hindi naplakahang motorsiklo at tinutugis na ngayon ng mga awtoridad.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, nabatid na dakong 4:20 ng hapon nang mangyari ang krimen sa Saniboy Street sa Bgy. Hulo.

Nakatayo umano sa lugar si Bait nang biglang pagbabarilin ng mga suspek.

Naniniwala naman ang pulisya na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen matapos matukoy na kabilang sa drug watch list ng Bgy. Hulo ang biktima.

Sa kabila nito, iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang krimen upang matukoy ang pagkakakilanlan at madakip ang mga salarin.