Ni FRANCIS T. WAKEFIELD

Dahil sa combat operations ng Joint Task Force Basilan ni Col. Juvymax Uy, na-rescue kahapon ang tripulanteng Vietnamese na mahigit pitong buwang binihag ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Na-rescue ng militar si Hoang Vo, tripulante ng MV Royal 16, sa Sumisip-Ungkaya Pukan Complex, kasunod ng airstrike na inilunsad laban sa grupo ni Furudji Indama sa Basilan, bandang 8:30 ng umaga kahapon.

Nakatakas si Vo sa mga bantay niyang bandido, na nagkani-kaniyang takbo dahil sa airstrike at iba pang pag-atake ng militar sa lugar ng ASG.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kaagad na binigyang lunas ng medical team ng Joint Task Force Basilan ang nailigtas na si Vo, na maayos na ngayon ang lagay.

“Vo, 28 years old and a resident of Nghe An, Vietnam, was found by our troops with a wound on his back,” sabi ni Uy.

“We continually put pressure to these remaining bandits in order to force them to surrender or release their victims,” dagdag niya.

Nobyembre 11, 2016 nang bihagin si Vo ng Abu Sayyaf sa timog-silangang bahagi ng Sibago Island sa Basilan.

Bihag pa rin ng Abu Sayyaf ang 26 na katao, 21 sa mga ito ay nasa Sulu at lima ang nasa Basilan. Sa Basilan binihag si Vo kasama ang limang iba pang Vietnamese.

Samantala, dalawang miyembro ng ASG at kidnap-for-ransom groups ang napatay matapos na manlaban sa pag-aresto sa Tawi-Tawi nitong Huwebes.

Ayon sa Joint Task Force Tawi-Tawi, nasawi sina Hamid Mohammad at Altasil Lakbaoin sa operasyon sa Attubig Tanah, Bongao, Tawi-Tawi bandang 9:00 ng gabi nitong Huwebes.

Batay sa tala ng militar, simula nitong Enero 1, 2017 ay 83 miyembro ng Abu Sayyaf na ang napapatay sa Western Mindanao. Sa nasabing bilang, 14 ang napatay sa Basilan, 62 sa Sulu, at pito sa Tawi-Tawi.