Arestado ang isang lalaki, na umano’y miyembro ng Sputnik Gang, makaraang magwala at manugod ng pulis sa harap ng isang kainan sa Pasay City, iniulat kahapon.

Kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Police si Ken Angelo Sobrevega, 25, ng Pag-asa Street, Barangay 185, Maricaban ng nasabing lungsod.

Inireklamo siya ni PO3 Ephraim Dancel, 39, nakatalaga sa Villamor-Police Community Precinct (PCP).

Sa inisyal na ulat, nakatayo si PO3 Dancel sa harap ng Batangas Lomi House sa Pag-asa St., Bgy. 185 nang mapansin ang pagwawala ng suspek habang nakikipagtalo sa misis nitong si Jasmine Enriquez.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nakita umano ng suspek na nakatingin sa kanya si PO3 Dancel at biglang sinugod ng saksak ang huli na masuwerte namang nakailag.

Tila nabuhusan ng malamig na tubig si Sobrevega nang arestuhin at posasan ni PO3 Dancel, katuwang ang ilang kasamang pulis sa naturang presinto.

Nakumpiska sa suspek ang isang arnis stick at isang kutsilyo. (Bella Gamotea)