Nasipat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mahigit 75 motorista sa paglabag sa Anti-Distracted Driving Law sa pamamagitan ng “no contact apprehension policy”, sa unang araw ng pagpapatupad ng nasabing batas kahapon.
Karamihan sa mga pasaway ay motorcycle rider na naaktuhang gumagamit ng kanilang cell phone habang nakahinto sa trapiko o naghihintay ng go signal.
Simula 6:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, nakapagtala ang Metrobase ng 77 paglabag sa Anti-Distracted Driving Law:
47 sa mga ito ay nagmomotorsiklo, 19 ang nakakotse, lima ang bus driver, at pito ang nagmamaniobra ng truck.
Naispatan ng Metrobase ang mga pasaway sa pamamagitan ng closed circuit television (CCTV) camera.
Sa ilalim ng no contact apprehension policy, susuriin pa ng mga tauhan ng MMDA ang mga naitalang paglabag, at padadalhan ng notice ang mga lumabag sa pamamagitan ng liham, batay sa plaka ng sasakyan nito na nakarehistro sa database ng Land Transportation Office (LTO).
Ang mga pasaway na magbabalewala sa summons ng MMDA ay hindi makapagre-renew ng rehistro ng kanilang sasakyan sa LTO.
Ang mga lalabag sa Anti-Distracted Driving Law (RA 10913) ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang beses, P10,000 sa ikalawa, at P15,000 at tatlong-buwang suspensiyon ng lisensiya sa ikatlong paglabag.
Sa ngayon, dahil inaasahang hindi pa batid ng lahat ang bagong batas, magbibigay lang muna ng warning ang MMDA sa mga lalabag.
Kaugnay nito, hiniling ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Mark de Leon ang tulong ng mga local government unit (LGU) upang maging epektibo ang pagpapatupad sa pagbabawal sa paggamit ng cell phone at iba pang mobile communication/electronic device habang nagmamaneho.
Sinabi rin ni De Leon na tuluy-tuloy ang tatlong-buwang information campaign ng DOTr—kabilang ang sa Twitter at Facebook—upang mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga motorista tungkol sa bagong batas.
(ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN at MARY ANN SANTIAGO)