ZAMBOANGA CITY – Nasa 20 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay at nakubkob ang kampo ng mga ito matapos na salakayin ng mga sundalo ng Joint Task Force Basilan ang Barangay Pamatsaken sa bayan ng Sumisip sa Basilan, nitong Huwebes ng madaling araw.

Sinabi ni Col. Juvymax R. Uy, commander ng Joint Task Force Basilan, na sinalakay nila ang lugar makaraang ituro ng mga sumukong bandido, maging ng mga residente, at ng mga lokal na pamahalaan na matatagpuan doon ang pinuno ng ASG na si Furudji Indama.

Ayon kay Uy, natagpuan ng mga tauhan ng 4th Special Forces Battalion at 3rd Scout Ranger Regiment ang maraming bakas ng dugo sa paligid ng kampo kasunod ng matinding pag-atake at airstrike ng militar.

Sinelyuhan naman ng Naval Task Group Basilan ang paligid upang mapigilan ang pagtakas ng mga terorista sa dagat, habang patuloy naman ang pag-atake ng Philippine Air Force (PAF).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinundan ito ng matinding engkuwentro matapos na maabutan ng Rangers ang mga papatakas na bandido may 300 metro ang layo mula sa nakubkob na kampo ng mga ito, ayon kay Uy.

“Our troops were able to cordon the enemy due to the accurate and timely indirect fires and close air support delivered by our Artillery and the Philippine Air Force,” ani Uy.

Sa kasagsagan ng bakbakan, natunton ng militar ang kampo ng ASG na may 12 makeshift tent na kayang kumupkop ng hanggang 40 bandido.

Nasamsam din ng militar ang ilang pagkain at mga gamit sa paggawa ng pampasabog na kayang makabuo ng 30 improvised explosive device (IED), habang nakadiskubre naman ang Special Forces Demolition Specialists ng tatlong IED. (Nonoy E. Lacson)