Habang isinasara ang pahinang ito, agaw-buhay ang isa umanong drug pusher makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang armado sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang nakaratay sa Tondo Medical Center si Arnel Mamaclay, 24, ng Lot 40, Phase 3, Gozon Compound, Letre, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod, dahil sa mga tama ng bala ng cal. 9mm pistol sa mukha at panga.

Sa ulat ni PO3 Juluis Mabasa, dakong 11:00 ng gabi, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga tropa sa kahabaan ng Waya-Waya Flovi Homes, Phase 1 Gozon Compound.

Makalipas ang ilang minuto, sumulpot ang suspek, na inilarawang nakasuot ng jacket at sombrero, at dalawang beses pinaputukan si Mamaclay.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Dahil sa takot, nagkanya-kanyang takbo ang mga kainuman ni Mamaclay at mabilis ding tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.

Ayon sa awtoridad, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaslang matapos malaman na sangkot ang biktima sa bentahan ng ilegal na droga sa lugar. (Orly L. Barcala)