Cavs, umusad sa EC Finals; Rockets at Wizards, tumabla.

TORONTO (AP) — Kinumpleto ng Cleveland Cavaliers ang dominasyon sa Raptors sa impresibong 109-102 panalo nitong Linggo (Lunes sa Manila) para makausad sa conference finals.

Ratsada si LeBron James sa naiskor na 35 puntos at kumubra si Kyrie Irving ng 27 puntos para mahila ng Cavaliers ang post season mark sa 8-0. Winalis din nila ang Indiana Pacers sa first round.

Ito ang ikapitong sunod na sabak ni James sa NBA Eastern Conference Finals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

"It's rewarding when you can advance," pahayag ni James. "It's not just given to you, you have to go out and earn it. Once again I'm part of a team that's been able to advance to the Eastern Conference Finals. It's going to be my ninth time in 14 years. I'll take those numbers."

Nag-ambag si Kyle Korver ng 18 puntos sa Cavs.

"The fact that we play our best basketball in the postseason lets us know that we're up for the challenge," sambit ni James, kumana rin ng siyam na rebound at anim na assist.

"When LeBron is shooting the 3 ball the way he is, at the rate he's shooting it, they're difficult," pahayag ni Toronto coach Dwane Casey."It's going to take a Herculean effort to beat them."

Nanguna si Serge Ibaka sa Raptors sa naiskor na 23 puntos at kumana si DeMar DeRozan ng 22 puntos.

WIZARDS 121, CELTICS 102

Sa Washington, balik ang aksiyon sa Boston Garden na tabla ang serye sa 2-2.

Ratsada ang Wizards sa 26-0 run sa third period para gapiin ang Boston Celtics at palawigin ang kanilang semifinal series.

Nanguna si Bradley Beal sa Wizards sa naisalansan na 29 puntos, habang kumubra si John Wall ng 27 puntos at 12 assist at tumipa si Otto Porter ng 18 puntos.

Naghahabol sa 53-48 bago ang ratsada, umabante ang Washington sa 74-53 mula sa layup ni Porter may limang minuto ang nalalabi sa third period.

Nanguna si Isaiah Thomas sa Boston na may 19 puntos.

Nakatakda ang Game 5 sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Boston.

ROCKETS 125, SPURS 104

Sa Houston, nadomina ng Rockets ang tempo ng laro mula simula tungo sa impresibong panalo at maipatas ang kanilang Western Conference semifinal sa 2-2.

Nagsalansan si James Harden ng 28 puntos, habang humugot si Eric Gordon ng 22 puntos para makabawi mula sa back-to-back na kabiguan.

Nakatakda ang Game 5 sa Martes (Miyerkules sa Manila) sa San Antonio.

Sa Game 1 sa San Antonio, nagpasabog ng 22 three-pointer ang Rockets. Nitong Game 4 naibalik nila ang kumpiyansa sa rainbow area sa naiskor na 19-of-43.

Bumida sa Spurs si Jonathon Simmons na may 17 puntos, habang tumipa ng tig-16 puntos sina Kawhi Leonard at LaMarcus Aldridge.