Siyam na katao ang inaresto ng mga tauhan ng Pasay City Police sa kanilang pagsalakay sa isang bahay sa nasabing lungsod na nagsisilbi umanong drug den, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Pasay Police chief Senior Supt. Lawrence Coop ang mga suspek na sina Antonio Requiz y Labadia, 56, ng No. 171 Estrella Street, Barangay 14, Pasay City; Noel de Guzman, alyas “Burlington”, 38, ng Sipac, Navotas City; Sandy Deposa, alyas “Dodong”, 44, ng Estrella St., Bgy. 14, Pasay; Nenita Activo y Mendiola, 42, ng Estrella St.; Angela Diolola, 36; John Yamson, 38, ng No. 28 Sampaguita St., Michael Meycauyan, Bulacan; Allen Francis Sayson, 32, ng Monica St., Bgy. 10, Pasay; Michelle Suarez, 32, ng Estrella St., Pasay; at Melody Jazz y Ramos, 26.

Sa ulat ni Senior Insp. Maynard Pascual, ng Station Drug Enforcement Unit ng pulisya, dakong 9:45 ng gabi nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay ng umano’y lantarang bentahan at paggamit ng ilegal na droga sa bahay ni Suarez.

Dahil dito, agad kumilos ang mga pulis at sinalakay ang nabanggit na bahay.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Naabutan ng mga pulis na bumabatak ng shabu ang mga suspek at nabawi sa mga ito ang apat na plastic sachet ng hinihinalang droga, drug paraphernalia at P1,700 cash.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)