KUMUSTA ang inyong bakasyon nitong nakaraang Semana Santa?

Nakapagpahinga ba kayo nang maayos at matiwasay?

Kung kayo ay hindi nagbakasyon sa ibang lugar at sa halip ay nanatili lang sa bahay, marahil ay mas naging maginhawa ang inyong Holy Week break.

Ito’y dahil sa maraming motorista ang naipit sa matinding traffic sa iba’t ibang lugar sa labas ng Metro Manila.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Opo, sa labas ng Metro Manila at hindi sa mga siyudad na nasasakupan nito.

Ito ang naging epekto ng exodus ng mamamayan sa Metro Manila na nagdagsaan sa mga lalawigan.

Sa kabila ng puspusang paghahanda ng pangasiwaan ng mga pangunahing toll way sa Southern at Northern Luzon, buhul-buhol pa rin ang trapiko sa mga lalawigan na nasasakupan ng mga ito.

Sa Pagbilao, Quezon, umabot sa halos tatlong oras na hindi gumagalaw ang trapiko dahil nag-counterflow ang mga sasakyan sa national highway. Wala nang nagbigayan, nagkanya-kanya na.

Maging ang shoulder ng kalsada ay sinakop din ng mga kotse, bus, jeepney at tricycle. Ilang kilometro ang haba ng mga stranded na sasakyan at walang nagawa ang mga motorista kundi ang maghintay na maalis ang pagkakabuhul-buhol ng mga sasakyan.

Habang ang iba ay idinaan sa tulog ang kanilang pagkainip na makauwi, wala namang palikuran para sa mga nais na mag-call of nature, kaya kanya-kanyang diskarte na lang ang nangyari.

Dahil sa hindi gumagalaw ang mga sasakyan, ilang motorista rin ang nagkainitan at halos magsuntukan sa gitna ng kalsada. Nagduduruan, nagsisisihan, ganyan ang naging eksena sa Pagbilao nitong nakaraang Linggo.

Ganito nila sinalubong ang Pasko ng Pagkabuhay ni Hesukristo!

Taliwas sa mensahe ng Simbahang Katoliko noong araw na iyon hinggil sa pagbibigayan, pagrespeto sa kapwa at pagmamahalan, nagmatigas ang mga motorista nang magkaipitan sa ilang intersection sa Pagbilao.

Mabuti na lamang at may isang grupo ng mga motorcycle rider ang pumagitna sa sitwasyon.

Isa-isa silang bumaba sa kanilang motorsiklo at nagmando ng trapiko.

Noong una, dinededma sila ng mga motorista. Subalit nang mahimasmasan at natauhan na maganda ang layunin ng mga rider, nagsunuran na rin ang mga hinayupak!

Dating kinamumuhian ng publiko, nagmistulang mga bayani ang mga motorcycle rider na nagmando ng trapiko sa Pagbilao, Quezon, bagamat inabot din ng siyam-siyam ang kanilang pagsasaayos sa traffic noong una dahil hindi sumusunod sa kanila ang mga motorista.

Kung hindi pa umepal ang mga motorcycle rider, malamang ay Martes na bago kayo nakauwi sa bahay.

Ano kayo? Sino ngayon ang magsasabi na ang mga rider ang peste sa lansangan? (ARIS R. ILAGAN)