NAGING isang lolo ako mahigit isang taon na ang nakararaan, at masasabi kong bihirang pangyayari sa buhay ang hihigit sa pakiramdam ng maging isang lolo. Pareho ito ng aking damdamin nang mapangasawa ko ang aking pag-ibig, si Cynthia, at ang pagsilang ng aking mga anak – sina Paolo, Mark at Camille.

Naging isang lolo ako nang ipanganak ang aking apo na si Emma Therese. Pagkaraan ng tatlong buwan, sinundan ito ng pagsilang ni Tristan. Ngayon, nauunawaan ko na ang ngiti sa mga mukha ng mga lolo at lola kapag kapiling nila ang kanilang mga apo. Ito ay isang bagay na tanging mga lolo at lola lamang ang nakauunawa: isang hindi maipaliwanag na kaligayahan.

Isang simpleng ngiti, isang hindi maulinig na bigkas, nakatutuwang ngisi at tila litong tingin mula sa isang apo ay sapat upang pawiin ang hirap mula sa isang linggong paggawa.

Kasabihan nga na ang kaligayahan ng pagiging lolo o lola ay bunga ng oportunidad na makisaya sa kanila at ibigay ang kanilang layaw na hindi kaakibat ang responsibilidad ng magulang.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ito ay natatanging relasyon dahil kinakatawan ng aking mga apo ang kinabukasan dahil nagsisimula pa lamang ang kanilang buhay samantalang sinapit ko na ang rurok ng aking sariling buhay.

Masaya ako kapag kasama sina Tristan at Emma Therese, karaniwan ay kung Linggo, na siyang araw ng bonding ng aking pamilya. Tinatawag ko si Emma na “Digang” dahil para siyang si Pangulong Digong kung kumilos, “Panda” naman ang bansag ko kay Tristan dahil madalas siyang natutulog. Ngunit “Titan” na ang tawag namin sa kanya dahil ito ang bigkas sa kanyang pangalan ni “Digang.”

Tinitiyak naming magkakasama kami bilang isang pamilya sa kabila ng marami naming gawain. Abala si Cynthia sa Senado, samantalang si Mark ay nagpapatakbo ng Department of Public Works and Highway (DPWH), at sina Camille at Paolo naman ay abala sa pagpapatakbo ng aming negosyo.

Ang pagsasalo tuwing Linggo ay panahon din ng aking pakikipaglaro sa aking mga apo. Kasama rin namin sila sa ilang paglalakbay sa ibang bansa. Sa aking pananaw, mahalagang may panahon sa piling ng pamilya at mga mahal sa buhay. Sa gitna ng paghahanapbuhay, hindi mawawala ang dahilan nito – ang kapakanan ng sariling pamilya.

Ito ang itinuturing kong isa sa pinakamahalagang nakamit ko bilang isang tao – ang pagkakaroon ng isang mapagmahal na pamilya at ang pagpapalaki sa tatlong katangi-tanging mga anak. Umaasa ako na mabibigyan ko rin ng ganitong kaligayahan ang aking mga apo.

Tinatawagan ko ang lahat ng mambabasa na gamitin ang Semana Santa sa pagpapalakas ng kanilang relasyon sa kani-kanilang mga pamilya. Ito ay isa ring pagkakataon upang limiin natin ang mga nagawa natin sa buhay, at muling palakasin ang ating pagkatao kapiling ang ating mga mahal sa buhay at muling balikan ang magagandang alaala ng pamilya.

Ang pagiging isang lolo ay nagbigay sa akin ng oportunidad upang itaas ang antas ng aking kaugnayan sa aking mga anak. Ngayon, hindi lamang kami ama at anak. Nakakausap ko sila bilang kapwa magulang. Iba rin ang antas ng aking relasyon kay Paolo dahil sa matagumpay niyang pagpapatakbo sa negosyo ng pamilya.

Hindi ko sila dinidiktahan kung paano palalakihin ang kanilang mga anak. Binibigyan ko sila ng payo paminsan-minsan ngunit tiwala ako na alam nila kung paano isasalin sa kanilang mga anak ang mga tamang katangian. Kinakatawan ng ating mga apo ang buhay at inilalarawan ang kinabukasan. Nagpapasalamat ako dahil narito ako at nasasaksihan ang kamangha-manghang karanasan.

Nabasa ko kamakailan ang isang pag-aaral ng mga siyentipiko sa Europa, na natuklasan na nadaragdagan ng limang taon ang buhay ng mga lolo at lolang nag-aalaga sa kanilang mga apo. Inaasahan ko ang karagdagang mga taon sa aking buhay!

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)