IPINAAARESTO ng National Democratic Front (NDF), ang political arm ng Communist Party of the Philippines (CPP), si ex-Pres. Noynoy Aquino dahil umano sa paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng madugong dispersal sa nagpoprotestang mga magsasaka sa Kidapawan, North Cotabato noong Abril 1, 2016. Pinapanagot si Noynoy sa pagkamatay ng dalawang magsasaka at pagkakasugat ng maraming iba pa.
Bukod kay ex-PNoy na hanggang ngayon ay binata pa, ipinadarakip din ng NDF Southern Mindanao sina North Cotabato Gov. Emmylou Talino-Mendoza, Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, North Cotabato Rep. Nancy Cotamco, at mga opisyal ng military at PNP. Sinabi ni Rubi del Mundo, tagapagsalita ng komunistang kilusan sa Timog-Mindanao, dapat madakip agad si ex-Pres. Noynoy at litisin sa people’s court dahil sa kanyang “war crimes, crimes against humanity and other serious violations of international human rights law” kaugnay ng madugong pagbuwag sa protesta. Baka umiyak si Kris.
Hindi papayag ang Duterte administration na dakpin ng NDF sina Aquino, ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella. Naniniwala si PDu30 na tanging ang legal na hukuman ng Pilipinas ang maaaring magpaaresto sa dating pangulo.
Pagkakalooban si Noynoy ng angkop at sapat na seguridad, ani Abella, kasabay ang pahayag na sa ‘Pinas ay may isang gobyerno at justice system lang. “Tanging ang kinauukulang korte ang puwedeng magpasiya sa usapin ng violent dispersal ng mga magsasaka sa Kidapawan,” pagliwanag ni Abella.
Sa panig ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Ano, hiniling niya sa taumbayan na kondenahin ang NPA dahil sa mga krimeng ginawa laban sa sambayanan, gaya ng pananambang at pagpatay sa mga pulis at sundalo, panununog ng heavy equipment, koleksiyon ng revolutionary tax, paglalagay ng landmine, atbp. “Ang NPA ay evil terrorists and extortionists na humahadlang sa pambansang kaunlaran,” ayon kay Ano.
Halos limang dekada nang nakikipaglaban ang CPP-NPA sa gobyernong Pilipino, pinakamatagal na communist insurgency sa Asia. Ang talagang layunin nito ay maitumba ang pamahalaan at mainstala ang isang komunistang pangasiwaan. Subalit kailanman ay hindi maaaring tanggapin ng mga Pilipino na karamihan ay Katoliko ang Komunismo sa Pilipinas sapagkat ito ay isang ideolohiyang hindi naniniwala sa Diyos. Manapa, higit silang naniniwala kay Mao Tse-Tung na ang kapangyarihang-pulitikal ay matatamo sa pamamagitan ng “barrel of the gun.”
Samantala, batay sa mga report, umiiral na raw ngayon sa... administrasyong Duterte ang tinatawag na “infighting” o pag-aaway-away. Ang pinakamainit ay ang away nina Speaker Pantaleon “Bebot” Avarez at Davao Oriental Rep. Antonio Floirendo, Jr. Ang pagkakagalit ng dating magkaibigan ay bunsod umano ng away ng kanilang mga “bebot” sa okasyon ng Masskara Festival sa Bacolod City noong nakaraang taon.
Nagbabakbakan din sina DENR Sec. Regina “Gina” Lopez at Finance Sec. Carlos “Sonny” Dominguez hinggil naman sa isyu ng pagmimina sa bansa. Sa Department of Interior and Local Government (DILG) na pinamumunuan ni Sec. Ismael Sueno ay “kumukulo” ang bakbakan. Tatlong undersecretary ang nag-aakusa sa kanya ng kurapsiyon. Ang DILG Undersecretaries ay sina John Castriciones (Operations), Jesus Hinlo (Public Safety), at Emillie Padilla (Legislative Liaison and special concerns). Sumulat si Sueno kay Pres. Rody at hiniling na tanggalin sa puwesto ang tatlo bunsod ng “irreconciliable differences.” Sina Sueno, Castriciones, Hinlo at Padilla ay mga miyembro ng Mayor Rodrigo Duterte-National Executive Coordinating Council Committee na tumulong sa kampanya noong May 2016 elections.
Una rito, sinibak ni Mano Digong si Peter Lavina bilang hepe ng National Irrigation Administration sa bintang na katiwalian, tinanggal sa Bureau of Immigration ang dalawang deputy commissioner sa kasong pagtanggap ng suhol, sinuspinde si Avelino Andal bilang puno ng Philippine Coconut Authority, atbp. May nagtatanong: Kelan niya aalisin si Alvarez bilang Speaker? (Bert de Guzman)