Labing-isang katao ang nasawi, kabilang ang isang sanggol, habang apat na iba pa ang sugatan makaraang salpukin umano ng closed van ang isang multicab sa Barangay Carael, Botolan, Zambales, nitong Huwebes ng hapon.
Sa report ng Botolan Municipal Police, kinilala ang mga nasawing sina Romulo Mantes, May Villanueva, Josephine Dorde, Marites Dela Cruz, Evangeline Capistrano, Linda Ruanto, Kenneth Ivan Capistrano, Rosie Candule, alyas “Tokaybo” dela Cruz, Ardin Villanueva, anim na taong gulang; at Daniela Dorde, 23 buwan, pawang taga-Bgy. Amungan, Iba, Zambales.
Kasalukuyan namang nasa pagamutan at inoobserbahan pa ang lagay nina Francis Matthew Parilla, 4; Jefferson Villanueva, 26; Dario Torres, 26; at Marilyn Vipinoso, 30 anyos.
Ayon kay Chief Insp. Generico Binan, hepe ng Botolan Municipal Police, binagbagtas ng delivery van ng Goldilocks Bakeshop ang highway ng Bgy. Carael nang pumutok ang isang gulong nito.
Lumihis ang takbo ng van at napunta sa kabilang lane hanggang sa makasalpukan ang multicab.
Labingtatlong katao ang lulan sa multicab na pag-aari ng gobyerno. (FER TABOY at JONAS REYES)