230317_VP LENI_10_BALMORES_PAGE 2 copy

Ipinagtanggol kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo sa binabalak ng kanyang mga kaalyado na sampahan ito ng impeachment complaint, at sinabing ang pagpuna nito sa kanya ay bahagi ng demokrasya.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag pagdating niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 2 pasado 2:00 ng umaga kahapon mula sa official visit sa Myanmar at Thailand.

“Look we just had an elections. Guys, lay-off, just stop it. We can do other things but do not tinker with the structure of government. I will not countenance it. Elected ‘yung tao eh,” sabi ni Pangulong Duterte, tinutukoy ang Bise Presidente.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“So, why do you have to? Just because she keeps on harping on me? Hayaan mo, this is a democracy, freedom of speech,” dagdag niya. “You know, this is a democracy. Leaders are elected. You don’t have to be son of a b****, it’s the people’s choice. Remember that.”

Matatandaang sinabi kamakailan ni Pangulong Duterte sa pagharap niya sa Filipino community sa Myanmar na nag-aapurang maging presidente si Robredo kasunod ng video message ng huli sa United Nations (UN) forum at binatikos doon ang kampanya ng gobyerno kontra droga.

Una nang itinanggi ni Robredo na may kinalaman siya sa sinasabing destabilization plot laban kay Duterte.

Ilang araw makaraang sampahan ng reklamong impeachment ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano si Pangulong Duterte, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na pinag-iisipan niyang maghain din ng impeachment laban kay Robredo dahil sa nabanggit na video message nito.

Sinegundahan naman si Alvarez ni Solicitor General Jose Calida, habang binanggit naman ni Senate President Koko Pimentel na mas may posibilidad na maisulong ang impeachment kay Robredo kaysa kay Duterte.

Nitong Martes, naghain na ng impeachment complaint si Atty. Oliver Lozano laban sa Bise Presidente at hinihiling nito ngayon ang pag-endorso ni Alvarez sa nasabing reklamo.

BIGLANG KAMBIYO

Dahil sa inihayag ni Pangulong Duterte, biglang kambiyo naman si Pimentel makaraang sabihin niya kahapon na hindi napapanahon ang planong patalsikin sa puwesto ang Bise Presidente.

Sa kanyang text message, sinabi ni Pimentel na mahahati lamang ang bansa kung sasampahan din ng impeachment si Robredo.

Maging si Sen. JV Ejercito, kilalang kapanalig ng administrasyon, ay kumambiyo rin at sinabing tutol sila sa impeachment kina Duterte at Robredo.

Sa kabilang banda, mistulang hindi naman natinag si Alvarez at sinabing magpapatuloy ang proseso sa pagtatangkang alisin sa puwesto ang Bise Presidente.

Kaugnay nito, pinangunahan ni Interior and Local Government Asst. Secretary Epimaco Densing III ang isang grupo ng mga abogado at blogger sa paghahayag ng planong maghain ng impeachment laban kay Robredo.

Sa harap ng kabi-kabilang banta ng impeachment laban kay Robredo, nagpahayag naman kahapon ng suporta sa Bise Presidente ang iba’t ibang urban group, kabilang ang Akbayan, Urban Poor Associates, Pilipina, at Change Politics Movement. (May ulat nina Ben R. Rosario at Raymund F. Antonio) (BETH CAMIA, ARGYLL CYRUS GEDUCOS at LEONEL ABASOLA)