HALOS tatlong linggo na lang at Semana Santa na naman.

Tulad ng dati, dagsa na naman ang biyahero sa mga paliparan, pantalan, at bus at jeepney terminal.

Taun-taon ay ‘tila mga bubuyog ang taong dumaragsa sa mga public transport terminals sa pag-uwi sa kani-kanilang probinsiya.

Tulad ng dati, asahan na eepal na naman ang mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Philippine National Police (PNP) sa mga photo op ng media upang iparamdam sa madla na sila’y nagtatrabaho.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Batid na ng lahat na dahil sa dami ng bumibiyahe sa mahabang panahon ng bakasyon tulad ng Semana Santa, kakambal nito ang posibilidad ng maraming aksidente sa lansangan, karagatan at maging sa himpapawid.

Nakagagaan din ng damdamin ang pagboboluntaryo ng mga private company, tulad ng Petron at ng ibang car manufacturer, sa pagkakaloob ng mga road assistance program. Sa mga dakilang nilalang na mga ito, naging panata na ang ganitong hakbangin. Saludo si Boy Commute sa inyo!

Kung inyong iisipin, ‘tila paulit-ulit na lang ang mga trahedya na nangyayari sa kasagsagan ng bakayson.

Hindi ba maiiwasan ito?

Unang-una, kung balak din ng mga opisyal ng gobyerno na umepal upang ipakita na may ipinatutupad silang preparasyon para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga biyahero, bakit hindi n’yo agahan ang media blitz n’yo?

Sa ganitong paraan, mas maraming magagawa ang inyong mga tauhan sa pagpapakalat ng safety measure sa mga pangunahing transport terminal sa bansa.

Hindi na dapat hinihintay ang ora de peligro upang kumilos. Hindi na dapat hintayin ang mga camera ng TV news crew bago magsagawa ng inspeksiyon sa mga daungan at paliparan.

Hindi na kailangang hintayin ang “last minute.”

Inspeksiyunin na dapat ang mga palikuran kung malinis at maayos ang mga ito.

Dapat silipin ang mga escalator at elevator ng MRT at LRT kung ang mga ito ay gumagana. Tingnan din kung kumpleto ang mga bumbilya sa mga terminal upang naiwasan ang insidente ng laslas-bag at cell phone snatching sa madidilim na sulok. Tiyakin din na gumagana ang mga closed-circuit television camera (CCTV) sa mga terminal dahil malaki ang maitutulong ito upang sugpuin ang kriminalidad.

Nakakaawa na po ang ating mga kababayan sa tuwing nakikita natin silang nagdurusa sa mga public transport terminal.

Sa kabila ng pagpiga ng gobyerno ng buwis mula sa atin, wala pa rin tayong kaginhawahang natatamasa.

Kailan ba mangyayari ang sinasabi ng gobyernong Duterte na “pagbabago”? (ARIS R. ILAGAN)