Mason Plumlee,James Harden

OKLAHOMA CITY (AP) – Winalis ng Golden State Warriors ang four-game season series laban sa Thunder sa impresibong 111-95 panalo sa larong nauwi sa muntik nang free-for-all nitong Lunes (Martes sa Manila) sa Chesapeake Energy Arena.

Nalubog sa kumunoy ang Thunder sa maagang pagkakataon nang umarya ang Warriors sa 21-8 run sa first half bago naganap ang balyahan at tulakan sa pagitan nina Steph Curry at Thunder reserve Semaj Christon. Pinatawan ng technical foul sina Curry at Christon, gayundin sina Russell Westbrook at Draymond Green na nakisama sa gulo.

Ito ang ika-15 technical foul ni Westbrook ngayong season, isang masayang aksiyon na lamang para sa awtomatikong suspension.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Hataw sina Klay Thompson at Curry ng tig-pitong three-pointer kung saan nanguna ang 2015 three-point king na may 35 puntos, habang kumana ang two-time MVP ng 23 puntos.

Ito ang ikalawang pagbisita ng Golden State sa Oklahoma City mula ang lumipat si dating Thunder star Kevin Durant bilang free agent sa Warriors. Hindi nakalaro si Durant bunsod nang injury sa tuhod na natamo sa nakalipas na buwan, ngunit nanatilin mainit ang hidwaan sa pagitan ng dalawang koponan.

Nalimitahan si Westbrook, umiskor ng 47 puntos sa huling pakikipagharap sa Warriors, sa malamyang 15 puntos mula sa 4-of-16 shooting.

CELTICS 110, WIZARDS 102

Sa Boston, ratsada si Isaiah Thomas sa nakubrang 25 puntos matapos ang hindi paglalaro sa huling dalawang laban sa panalo ng Celtics sa Washington Wizards.

Nag-ambag si Avery Bradley ng 20 puntos at siyam na rebound para sa Boston, umabante ng 2½ laro sa Wizards para sa No.2 pot sa Easter Conference playoff. Humirit sina Jae Crowder at Al Horford ng tig-16 puntos.

Nanguna si Bradley Beal sa Washington sa natipang 19 puntos, habang umiskor si John Wall ng 16 puntos at walong assist.

PACERS 107, JAZZ 100

Sa Indianapolis, ginapi ng Pacers, sa pangunguna nina Jeff Teague at Paul George na may 21 at 19 puntos, ang Utah.

Napanatili ng Indiana ang diskarte na makapanalo matapos ang kabiguan. Huli nilang natikman ang back-to-back loss noong Peb. 16. Tumatag din ang kapit nila sa No.6 sa East.

Nanguna sa Jazz si Gordon Hayward sa nahakot na career-high 38 puntos, habang kumana si Rudy Gobert ng 16 puntos at 1 rebound.

HORNETS 105, HAWKS 90

Sa Charlotte, North Carolina, binigyan buhay nina Nicolas Batum at Kemba Walker ang kampanya ng Hornets na makausad sa playoff nang biguin ang Atlanta Hawks.

Kumana ng tig-16 puntos ang starter ng Hornets, umabante ng 23 puntos sa fourth period matapos makapuntos ng 17 sa 18 turnover ng Atlanta.

MAGIC 112, 76ERS 109, OT

Sa Orlando, hataw si Nikola Vucevic sa naisalansan na 26 puntos at 13 rebound, habang huminit si Evan Fournier ng 19 puntos sa panalo ng Orlando kontra Philadelphia sa overtime.

Naisalba ng Orlando ang 17 puntos na paghahabol sa second-half at pinangunahan ni Fournier ang ratsada sa OT sa naiskor na walong puntos.

Nanguna sina Richaun Holmes at Robert Covington sa 76ers na may tig-24 puntos.