INDIAN WELLS, Calif. (AP) — Maagang magkakasubukan ang dalawa sa itinuturing ‘Big Four’ sa tennis.
Naungusan ni Roger Federer si Steve Johnson 7-6 (3), 7-6 (4) nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para maisaayos ang duwelo kay Rafael Nadal sa fourth-round ng BNP Paribas Open.
Kumana si Federer ng 12 ace — sa pinakamabilis na service play na 131 mph — at hindi nakatikim ng break point laban kay Johnson, umabot sa 136 mph ang tira.
Umusad naman si Nadal sa impresibong 6-3, 7-5 panalo kontra 26th-seeded Fernando Verdasco para sa ika-50 career victory.
Makakaharap naman ni five-time Indian Wells winner Novak Djokovic si 2013 finalist Juan Martin del Potro.
Apat na ulit na naging kampeon dito si Federer, huli’y noong 2012. Ginapi niya si Nadal sa Australian Open final nitong Enero para sa ika-18 Grand Slam title. Ang paghaharap ang pinakamaagang pagtatagpo ng dalawa mula nang magtuos sila sa first round noong 2004 sa Miami na pinagwagihan ng Spaniard star.
"Because it's early in the tournament, I think we both don't quite yet know to 100 percent how everything feels," pahayag ni Federer.
"There is a bit of the unknown, which is exciting maybe for the fans to see how we're going to try to figure that part out."
Sa women’s side, umusad sa quarterfinal si Venus Williams nang pabagsakin si Shuai Peng, 3-6, 6-1, 6-3.