VICE Ganda versus Nora Aunor pala ang isyu ngayon.
Si Vice ang idinahilan ng Superstar kaya hindi ito tumuloy sa special guesting bilang hurado sa grand finals ng “Tawag ng Tanghalan” kahapon sa It’s Showtime, base sa panayam kay Nora ni Katotong Mercy Lejarde na inilabas sa PEP.
“Hindi ako feel ng main host nila na si Vice Ganda,” ayon kay Nora. “Baka bastusin lang ako nu’n, tulad ng pambabastos niya sa akin sa show niya.
“’Yung mga patutsada niya, parinig niya na alam ko ako ang tinutukoy niya dahil minsan ako mismo ang nakarinig, eh.”
Nabanggit din ng Superstar na pumayag siya sa Eat Bulaga guesting dahil malaki ang utang na loob niya kay Sen. Tito Sotto na tumulong nang magkasakit ang kanyang kapatid na si Buboy Villamayor.
Pero nang ipaliwanag ni Katotong Mercy na nai-announce na ang guesting sa “Tawag ng Tanghalan” ay nabago ulit ang desisyon ni Ate Guy, sisipot na lang daw siya sa Kapamilya show at ipaliliwanag na lang kay Tito Sen ang lahat.
Pero wala pang sampung minuto ay tuluyan nang umatras si Nora sa “TNT” base sa mensahe niya kay Katotong Mercy.
“Nag-back out ako dahil hindi ko kaya si Vice Ganda. Hindi kaya ng puso ko ang pambabastos na ginawa sa akin ni Vice Ganda,” sabi ng Superstar.
Nang tanungin kung anong pambabastos ang ginawa ni Vice sa kanya.
“’Yung usual na ginagawa niya na magsasalita siya pero may pinatatamaan. Sorry, pakisabi na lang kay Mr. Reily (Santiago, business unit head ng It’s Showtime), humihingi ako ng tawad sa naging desisyon ko.
“Gusto ko mang mag-guest pero hindi ko kaya ang ginawang pambabastos sa akin noon ng main host ng show. Lahat ng imbitasyon sa akin ng ABS-CBN para mag-guest, wala akong naging problema. Dito lang talaga sa It’s Showtime dahil sa main host ng show.
“Para lang mapatawa niya ang tao, kahit mambastos na siya ng kapwa niya, ginagawa niya,” paliwanag ng Superstar.
Tinext namin si Vice kahapon para hingan ng reaksiyon bago magsimula ang It’s Showtime pero hindi kami sinagot.
Siguradong busy na siya. (REGGEE BONOAN)