Eksakto 103 katao, kabilang ang 46 na menor de edad, ang pinagdadakma ng mga tauhan ng Parañaque City Police sa One Time, Big Time Oplan RODY (Rid the Streets of Drinkers and Youth) operation nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Parañaque City Police chief Senior Supt. Jemar Modequillo, dakong 10:00 ng gabi isinagawa ang operasyon sa Barangay San Dionisio at San Isidro, Parañaque City.
Aniya, agad ding pinalaya ang mga bata na sinundo ng kani-kanilang magulang matapos paalalahanan hinggil sa umiiral na curfew sa lungsod.
Upang hindi makulong dahil sa mga paglabag sa ordinansa, pinag-push up naman ni Modequillo ang 31 lalaki na nahuling umiinom sa kalye, gayundin ang 15 iba pa na nakahubad baro.
Samantala, diretso sa selda ang 11 indibiduwal na dinakip din ng awtoridad, sa bisa ng warrant of arrest, dahil sa iba’t ibang kasong kinakaharap.
Habang aabot naman sa 24 na motorsiklo ang kinumpiska ng mga pulis dahil sa pagkabigo ng mga rider na magpresinta ng kaukulang dokumento.
Sinabi ni Modequillo na layunin ng operasyon na turuan ng leksiyon at disiplinahin ang mga residente. (Bella Gamotea)