BUTUAN CITY – Nasa mahigit P1 milyon halaga ng mga pinatuyong dahon ng marijuana ang natagpuan ng dalawang mangingisda makaraang lumutang sa karagatan ng Barangay Buenavista sa Tandag City, Surigao del Sur, nitong Miyerkules ng hapon.
Sa flash report na natanggap ni Police Regional Office (PRO)-13 Director Chief Supt. Rolando B. Felix mula sa Surigao del Sur Police Provincial Office (PPO), pauwi na sina Edmar J. Ocat, 32; at Yongyong Macarayo, kapwa nasa hustong gulang, sa Bgy. Buenavista mula sa pangingisda nang mapansin nila ang isang malaking berdeng plastic container bandang 5:00 ng hapon nitong Miyerkules.
Nang buksan ang container, nagulat ang mga mangingisda nang makita ang 19 na malalaki at selyadong cellophane pack ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, na nasa 19 na kilo, ayon kay Chief Supt. Felix.
Sinabi pa ni Chief Supt. Felix na nagkakahalaga ng P1,045,000 ang mga lumutang na pakete ng marijuana.
Samantala, nagbigay naman si Tandag City Mayor Alexander T. Pimentel ng tig-P5,000 pabuya sa dalawang mangingisda.
(Mike U. Crismundo)