Sa kulungan ang bagsak ng isang dating pulis matapos ireklamo ng pananakit sa dalawang menor de edad sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Sa panayam kay SPO2 Lorena Hernandez ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD), nahaharap sa kasong slight physical injuries (2 counts) si Rolando Pascua, alyas “Sargeant”, 56, ng No. 125 Parancillo Villa ng nasabing lungsod, dating nakatalaga sa Valenzuela Police Station.

Ayon sa dalawang biktima na kapwa nasa edad 7, bandang 2:30 ng hapon, naglalaro sila ng basketball sa Paracillo Villa, Valenzuela City.

Galit umanong lumabas si Pascua mula sa kanyang bahay habang hila-hila ang hose ng tubig at maya-maya pa’y binugahan ng tubig ang mga biktima.

Internasyonal

Paghahain ng interim release ni FPRRD, masyado pang maaga —abogado

Hindi pa nasiyahan ang suspek at sinuntok pa umano sa hita at kamay ang isa sa mga biktima at sa takot naman ng isa pa ay tumakbo na ito papalayo ngunit hinabol pa ng suspek at muling binugahan ng tubig.

Nang malaman ng mga magulang ng mga biktima ang insidente ay humingi sila ng tulong kay SPO1 Roberto Santillan ng Detective Managament Unit (DMU) at kaagad na inaresto ang suspek.

“Malamang naingayan sa mga bata ‘yung suspek kaya ginanon. Sana kinausap na lang niya (suspek) nang maayos para hindi na humantong sa demandahan,” ani Santillan. (Orly L. Barcala)