Kasado na bukas, Pebrero 27, ang panibagong nationwide transport strike na ilulunsad sa Metro Manila at sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao, ng pinagsanib na puwersa ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), No to Jeepney Phase Out Coalition, at Stop and Go Coalition laban sa planong jeepney phase out ng gobyerno.

Ito ang inihayag ng mga nabanggit na transport group kahapon, sa kabila ng babala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may karampatang parusa na igagawad sa mga magsasagawa nito.

Madaling araw bukas sisimulan ang tigil-pasada sa iba’t ibang ruta sa Metro Manila.

May ikinasa ring transport strike sa mga karatig-lalawigan na Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Ayon kay George San Mateo, pangulo ng PISTON, may tigil-pasada rin ang mga miyembro at kaalyado ng grupo sa Cagayan at Isabela sa Cagayan Valley Region, Metro Baguio; Sorsogon, Albay at Camarines Sur sa Bicol Region; Iloilo, Aklan, Capiz, Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu at Leyte sa Visayas; gayundin sa Cagayan De Oro City, Bukidnon at General Santos City sa Mindanao.

Ayon kay San Mateo, muli nilang igigiit ang pagbasura sa jeepney phase out scheme na anila’y nakakubli sa “modernisasyon”, at pagbasura sa “route rationalization” at iba pang nakapaloob sa Traffic Emergency Powers Bill na nakasalang sa Kongreso.

UMIWAS SA PROTEST AREAS

Sinabi ni San Mateo na bandang 6:00 ng umaga ay magbubukas sila ng protest center sa Monumento Circle sa Caloocan, gayundin sa harap ng Alabang City Terminal sa Muntinlupa, sa Baclaran, sa Anda Circle at sa panulukan ng Pedro Gil at Agoncillo Streets sa Maynila, sa Cubao Aurora Blvd.

May rally din sila sa Marikina Bayan, sa intersection ng Bonifacio Avenue at Shoe Avenue; sa Philcoa, sa harap ng Petron; Novaliches Bayan, sa harap ng Nova Mall; at sa harap ng Bagong Palengke ng Taytay sa Manila East Road Rotonda sa Rizal.

Dakong 11:00 ng umaga naman magtitipon ang lahat ng driver, operator at tagasuporta sa QC Elliptical Circle at sa Welcome Rotonda para sa caravan at martsa papuntang Mendiola.

ALALAY AT LIBRENG SAKAY

Samantala, tiniyak din kahapon ni LTFRB Board Member, Atty. Aileen Lizada na handa ang ahensiya, katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority sa tigil-pasada at dodoblehin nito ang bilang ng mga bus na magpapasakay sa mga commuter, bukod pa sa magkakaloob ng libreng sakay ang mga sasakyan ng gobyerno.

(Bella Gamotea at Vanne Elaine Terrazola)