1 (1)

MAKUKULAY na mga costume at masisiglang tugtog ng drums at lyres mula sa 12 elementary school ang umalingawngaw sa pagbubukas ng 22nd Panagbenga Flower Festival sa Baguio City, ang kinasasabikan at crowd drawer sa Northern Luzon.

Sa temang “Inspired by Beauty, Nurtured by Nature”, 11 elementary schools sa lungsod at isa sa karatig-bayan ng Benguet, ang pumarada at nagpapakita ng makabago, makukulay at naggagandahang costumes at nagtagisan ng kani-kanilang husay sa drum and lyre sa kahabaan ng Session Road-Magsaysay-Harrison Road, patungo sa Athletic Bowl para sa showdown competition.

Ang mga lumahok ay ang Apolinario Mabini Elementary School, Baguio Central School,Dominican – Mirador Elementary School,Don Mariano Elementary School, Dona Aurora Elementary School, Emilio Aguinaldo Elementary School, Jose P. Laurel Elementary School, Josefa Carino Elementary School, Lucban Elementary School, Pinget Elementary School, Manuel L. Quezon Elementary School at Camp 6 Elementary School, Tuba,Benguet.

ALAMIN: Bakit ipinagdiriwang ang Imaculada Concepcion?

Sinimulan ang programa dakong alas 7:00 ng umaga sa pamamagitan ng ecumenical prayers mula sa Christian, Islamic at Uggayam at isang canao ang isinagawa para bendisyunan ang buong selebrasyon ng Panagbenga Festival para sa patuloy na pag-usbong ng turismo at negosyo sa lungsod.

Pagkatapos ng parade, ang mga kalahok ay isa-isang nagtanghal para sa showdown. Ang siyam na mapipili ay muling makakasali sa grand street dancing parade sa Pebrero 25 at muli ay makikipagpaligsahan sa kanilang final performance para mamili ng tatlong mananalo.

Muli, ang mga opisyales ng Baguio Flower Festival Foundation, Inc. (BFFFI) ay nag-iimbita sa mga turista na saksihan ang mga aktibidad ng Panagbenga Festival, lalung-lalo na sa Pebrero 25 grand cultural parade at Flower Floats parade sa Pebrero 26. (RIZALDY COMANDA)

[gallery ids="226252,226251,226250"]