Patay ang isang negosyante nang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sugatan naman ang kanyang kaibigan at isa pa matapos madamay sa pamamaril sa Caloocan City, nitong Lunes ng gabi.

Dead on the spot si Alvin Delfin, 56, dealer ng soft drinks, residente ng No. 683 Franville-11 Subdivision, Area A, Barangay 175, Camarin ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sugatan naman at kasalukuyang ginagamot sa ospital ang kaibigan ni Delfin na si Lemen Gama Aldamo, 56, at si Mark Gil Bigasbis, basurero.

Sa report ni PO3 Rommel Caburog, bandang 9:30 ng gabi habang sakay sa motorsiklo, pauwi na galing sa sabungan sina Aldamo at Delfin na nanalo ng mahigit P50,000.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pagsapit sa kanto ng Old Terant Street, Area A, Barangay 175, Camarin, Caloocan City, biglang umeksena ang riding-in-tandem at pinagbabaril si Delfin at tinamaan din si Aldamo.

Sa dami ng pinakawalang bala ng mga suspek ay tinamaan din si Bigasbis na noo’y nangongolekta ng basura sa pinangyarihan. (Orly L. Barcala)