Inabisuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang libu-libong commuters sa Metro Manila at sa mga karatig-lalawigan na ihanda ang sarili sa malawakang tigil-pasada na ikinasa ng mga transport group ngayong Lunes.

Ayon sa LTFRB, dahil layuning maparalisa ang biyahe sa unang araw ng linggo, tiniyak nila ang pagpapakalat ng mga sasakyan ng gobyerno at mga bus sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang hindi maabala ang mga commuter.

LIBRENG SAKAY

Una nang tiniyak ng MMDA na mag-aalok ng libreng sakay ang mga sasakyan ng gobyerno, kabilang ang ilang bus at truck, sa mga pasaherong mai-stranded dahil sa tigil-pasada.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Pinayuhan ni MMDA Spokesperson Celine Pialago ang publiko na umiwas sa mga convergence point ng mga magsasagawa ng transport strike sa Monumento sa Caloocan City, Plaza Lawton at Rotonda-España sa Maynila, Quezon City Circle at Cainta Junction.

“Heavy traffic is anticipated in these areas,” sinabi ni Pialago sa panayam ng DZBB kahapon.

Nakaalerto na rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO), partikular ang Quezon City Police District (QCPD) sa pag-ayuda sa mga maaapektuhan ng strike.

Sinabi pa ni Pialago na magpapakalat ang Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ng 4,800 tauhan upang maiwasang maperhuwisyo ang publiko sa tigil-pasada, partikular kung hihimukin ng mga raliyista ang mga kapwa driver na sumali sa kanilang protesta.

MALI LANG ANG INTINDI

Kabilang sa mga grupong sasali sa strike ang Samahan ng mga Tsuper at Operator ng Pilipinas-Genuine Organization Transport Coalition (Stop & Go) at Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) upang mariing tutulan ang plano ng gobyerno na i-phaseout na ang mga bulok na jeepney sa lansangan.

Sinabi naman ni MMDA OIC Tim Orbos na handa ang gobyerno na makipagdayalogo sa mga transport group, lalo dahil mali, aniya, ang pagkakaunawa ng mga ito sa pinaplanong modernisasyon ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila.

“They (transport groups) have the wrong premise of holding the strike. They thought old jeepneys will be phasing-out old jeepneys but it’s not true,” sabi ni Orbos, tiniyak na hindi mawawalan ng pagkakakitaan ang mga jeepney driver.

‘DI LAHAT SASALI

Una nang nilinaw ng mga leader ng iba pang transport groups na Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Pasang Mada, Liga ng mga Tsuper at Operators ng Pilipinas, at Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines na hindi sila makikisali sa tigil-pasada.

Ang nabanggit na mga grupo ay may mahigit 100,000 miyembro, na regular na bibiyahe sa kanilang ruta ngayong Lunes.

(ROMMEL TABBAD, ANNA LIZA ALAVAREN, BELLA GAMOTEA at JUN FABON)