Patay ang isang dating hukom matapos siyang tambangan ng hindi kilalang suspek sa Surigao City, Surigao Del Norte, nitong Huwebes.
Kinilala ng Surigao City Police Office (SCPO) ang biktimang si Victor Canoy, 70, dating hukom sa Branch 29, Regional Trial Court (RTC) 10 ng Surigao del Norte, at residente ng Barangay Washington sa lungsod.
Sinabi ni Senior Insp. Tessie Moleta,tagapagsalita ng SCPO, magtatanghali nitong Huwebes at bumibili ng ulam sa karinderya si Canoy nang lapitan ito ng suspek sa likuran at pinagbabaril sa ulo.
Kaagad na tumakas ang suspek, na hinabol pa at pinaputukan ng nagpapatrulyang pulis ngunit hindi tinamaan.
(Fer Taboy)