HINDI ko matiyak kung nasasakop pa ngayon ng opisyal na mandato ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang paminsan-minsang pagbibigay ng mungkahi sa mga nakatutok sa paggawa ng mga pelikula; kung taliwas sa mga reglamento nito ang mistulang panghihimasok sa mga movie company na naglalayon namang pataasin ang kalidad ng mga pelikulang pinanonood sa mga sinehan at mga programang sinusubaybayan sa mga telebisyon.
Ang misyon ng MTRCB noong nakaraang mga dekada ay nakatutok lamang sa maingat na pagsusuri sa itinatanghal na mga pelikula. Bagamat sandali lamang tayong naging bahagi ng naturang ahensiya, mahigpit ang ating pagtutol sa mga panooring hindi kanais-nais sa panlasa, wika nga, ng mga manonood. Walang pag-aatubili na ibinabasura ang malalaswang eksena na lumalason hindi lamang sa kamalayan ng mga kabataan kundi maging ng ilang sektor ng lipunan.
Maaaring ganito pa rin ang mga pamantayang ipinatutupad ng MTRCB. Ang pagpapahintulot sa pagtatanghal ng mga pelikulang dapat masaksihan ng mga tumatangkilik nito ay laging nakasalalay sa desisyon ng mga miyembro ng naturang ahensiya. Naniniwala ako na sapat ang kanilang kaalaman sa pagsusuri ng mga panoorin, sapagkat kung hindi, walang lohika ang pagtatalaga sa kanila sa gayong tungkulin.
Dahil dito, hindi marahil isang kalabisang maging kaagapay ng mga movie producers ang liderato ng MTRCB sa paggawa ng mga pelikulang Pilipino, lalo na yaong nararapat maging kalahok sa taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) at maging sa mga pandaigdigang paligsahan. Magiging katanggap-tanggap ang kanilang tinatawag na ‘ten-cents worth’ sa pagbalangkas ng mga eksena na dagdag-kaalaman para sa taumbayan.
Natatandaan ko pa ang mungkahi ng isang dating miyembro ng nasabing ahensiya hinggil sa paglalarawan ng mayamang kultura ng ating mga katutubo. Ang pelikulang ‘Igorota’,... halimbawa ay tumalakay sa mga kaugaliang umiiral sa lupain ng mga Igorot – ang kanilang mga kaugalian, naiibang pamamaraan ng pamumuhay at iba pang elemento ng kalinangan na nakatawag-pansin sa ibang bahagi ng daigdig. Maliwanag na ang naturang pelikula ay labis na pinahalagahan ng lupon ng mga hurado upang ito ay tanghaling Best Film in Asia. Ganito ang nangyari sa pelikulang ‘Badjao’ na naglarawan din ng mayamang kultura ng isang grupo ng indegenous people (IP) sa Mindanao.
Marami pang paksa ang dapat lamang imungkahi hindi lamang ng MTRCB kundi maging ng iba’t ibang sektor ng taumbayan upang maisapelikula – mga panoorin na magpapataas sa kalidad ng mga pelikula – upang mailigtas sa sinasabing mistulang paghihingalo ng local film industry. (Celo Lagmay)