JULIA copy copy

MARIING pinabulaanan ni Julia Montes ang lumabas sa isang blog site na lilipat siya sa GMA-7 para makapalit ni Kylie Padilla sa Encantadia.

Ayon pa sa nasulat na may picture pang naka-Encantadia costume ang Daytime Drama Queen, tinatapos lang daw ni Julia ang Doble Kara at saka mag-oober da bakod.

Sa finale presscon ng Doble Kara nitong nakaraang Lunes, sinabi ng aktres na nagtataka siya kung saan nanggaling ang tsika dahil never namang sumagi sa isipan niya na umalis sa ABS-CBN.

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

Nakapanayam namin ng solo si Julia at tinanong kung paano nagsimula isyu.

“Baka siguro po incorporate lang ‘yung sinasabing (magtatapos na ang Doble Kara), pero wala naman po ibig sabihin ‘yun. As in nu’ng tinag po ako, gulat na gulat ako. Parang may nagsabi pang nag-audition pa raw ako, it’s not true po talaga,” sabi ng aktres.

Kapamilya pa rin si Julia, at sa katunayan, ay nag-renew siya ng kontrata niya sa Dos.

“A few months ago pa po. I think, three years po yata ‘yung pinirmahan kong contract sa ABS.”

Sa madaling sabi, sa 2020 pa mapapaso ang bagong kontrata ni Julia sa Dos at guaranteed iyon. Kaya pagkatapos ng Doble Kara sa Pebrero 10 ay may sisimulan ulit siyang teleserye sa Dreamscape Entertainment.

Dreamscape baby si Julia, simula nang gumawa siya ng teleserye ay hindi na siya nawala sa unit ni Mr. Deo Endrinal.

Hindi ba siya puwedeng tumanggap ng project sa ibang unit?

“Hindi naman po sa hindi puwedeng tumanggap, kasi po from the very start, ang unang nagtiwala sa akin at nag-take ng risk sa akin ay ang Dreamscape. Nag-start po ako sa Mara Clara (kasama si Kathryn Bernardo, 2010), Growing-up (2011), Walang Hanggan (unang pagtatambal nila ni Coco Martin, 2012) hanggang sa nagkasunud-sunod na po. Inalagaan po talaga ako ng Dreamscape,” kuwento ng dalaga.

Paano ang balak niyang pagbisita sa kanyang ama sa Germany ngayong may kasunod agad ang serye niya, matutuloy pa ba?

“Hindi po, eh. Baka po si Papa ang bumalik dito ng June (2017). Dapat po March, ‘kaso hindi po siya pinayagan sa work niya, kaya June na. Saka hindi ko rin po maiwan ang family ko kasi ako ‘yung tutok sa lahat, so kailangan kung aalis man po ako, kailangan ma-settle ko lahat kung magbabakasyon ako ng matagal-tagal,” paliwanag ng aktres.

(REGGEE BONOAN)