Cavs at LeBron, hiniya ng 10-day rookie.

DALLAS (AP) — Panakip-butas lamang sa line-up ng Dallas Mavericks si Yogi Ferrel. Ngunit, kung ang asta niya sa hardcourt ang pagbabatayan, hindi malayong makuha niya ang starting point guard position.

Nagsalansan ng career-high 19 puntos ang rookie point guard na si Ferrel, lumagda ng 10-day contract bunsod nang pagka-injury ni JJ Barea, habang kumubra si Harrison Barnes ng 24 puntos para sandigan ang kulelat na Dallas sa impresibong 104-97 panalo kontra sa NBA defending champion Cleveland Cavaliers nitong Lunes (Martes sa Manila).

Nag-ambag si Wesley Matthews ng 21 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Mavs kontra sa NBA title contender.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nitong Linggo, naisalpak ni Ferrel ang free throw sa krusyal na sandali para magapi ang San Antonio Spurs.

Nanguna si James sa Cavs sa natipang 23 puntos, habang humarbat ng 18 puntos si Kyrie Irving para sa ikawalong kabiguan sa 15 laro ng Cleveland. Hindi nakalaro sa Cavs si All-Star Kevin Love dahil sa back spasms.

CELTICS 113, PISTONS 109

Sa Boston, hataw si Isaiah Thomas sa naiskor na 41 puntos, tampok ang 24 sa fourth quarter sa panalo ng Celtics kontra Detroit Pistons.

Nag-ambag si Jae Crowder ng 21 puntos, habang tumipa si Al Horford ng 13 para sa Boston. Nanguna sa Pistons si Andre Drummond sa nakubrang 28 puntos at 22 rebound.

Sa iba pang laro, tinunaw ng Miami Heat ang Brooklyn Nets, 104-96; pinaluhod ng Philadephia Sixers ang Sacramento Kings, 122-119; pinakulimlim ng Memphis Grizzlies ang Phoenix Suns, 115-96; at naglaho ang Orlando Magic sa Minnesotta Timberwolves sa OT, 111-105.