PAGKATAPOS magwagi sa halalan noong Mayo 2016, agad sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtupad sa kanyang mga pangunahing pangako sa panahon ng kampanya. Sa mga ito, ang paglaban sa droga at kriminalidad na sinimulan niya bago pa nanumpa sa tungkulin ang pinaka-kontrobersiyal at may pinakamalaking epekto.
Ang digmaan laban sa droga ay masugid na tinututukan ng pamahalaan at sinusubaybayan ng mga sumusuporta rito at maging ng mga tumututol.
Ang lawak ng kampanya ay makikita sa estadistika mula sa Philippine National Police (PNP). Ayon sa ahensiya, may kabuuang 6,097,672 ang bahay na binisita kaugnay ng kampanya upang bigyan ng pagkakataon ang mga gumagamit at nagbebenta ng ilegal na gamot na magbagong-buhay. Ang rehabilitasyon ay mahalagang bahagi ng kampanya para sugpuin ang droga.
Mula noong Hulyo 2016, mahigit isang milyong tao ang sumuko sa awtoridad. Mahigit na 1,117,433 sa mga ito ang umaming gumamit sila ng droga at 75,000 ang kilalang nagbebenta. Hindi pa ito nangyari sa nakaraan.
Nangyayari ito dahil sa mahigpit na paninindigan ng Pangulo; napagtanto ng mga sangkot sa droga na seryoso ang administrasyon sa paglaban dito.
Dahil dito, kailangang tumulong ang lahat sa pamahalaan upang matiyak na mapailalim sa rehabilitasyon ang mga sumuko at mabigyan ng oportunidad na magbago. Kaugnay nito, ibinukas ng Villar Foundation ang pintuan ng aming farm school para sa mga gumagamit ng droga na nais magbago.
Ang totoo, tumutulong na kami sa kampanya laban sa droga mula pa noong 1994, sa pamamagitan ng programang Sagip Bukas. Ito ay isang inisyatibong pang-edukasyon na pang-paaralan para sa mga nasa ikalima at ikaanim na baitang, kasama ang mga guro at magulang. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 80,000 ang nakinabang sa programang ito.
Hindi lahat ay tumugon sa panawagan ng pamahalaan, at sa halip ay lumalaban pa. Ayon sa pulisya, 2,503 na sangkot sa droga ang napatay at 51,547 ang naaresto.
Ang isyu na humahati sa bansa ay ang tinatawag na ”vigilante-style killing” ng mga sangkot umano sa droga. Inaamin ng pulisya na mahigit 4,000 drug suspect ang namatay sa ganitong paraan.
Ngunit batid natin na ang tunay na larawan ng kampanya sa droga ay hindi maipakikita sa pamamagitan lamang ng mga estadistika. Kailangan ding tingnan ang mga komunidad at ang damdamin ng mga mamamayan ukol sa kapayapaan at kaayusan.
Sa aking pananaw, ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga at kriminalidad ay nagbukas... sa ating mga mata upang makita kung gaano kalawak ang problema sa droga sa ating mga komunidad.
Batay sa Nationwide Survey on the Nature and Extent of Drug Abuse in the Philippines na kinomisyon ng Dangerous Drugs Board, 1.8 milyong Pilipino ang gumagamit ng droga sa kasalukuyan at 4.8 milyon na nasa edad na 10 hanggang 69 ang gumamit ng droga minsan o madalas pa sa kanilang buhay.
Nauunawaan ko ang pag-aalala ng ilang sektor ukol sa extrajudicial killings. Ngunit ang mga ganitong akusasyon ay dapat isumite nang maayos upang maimbestigahan bago sabihin na itinataguyod ng estado ang ganitong gawain.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)