Isa iyon sa mga araw na umasa siyang sana ay hindi na matapos.
Sa pamamahinga mula sa kanyang karaniwang seryosong trabaho, lubusang nalugod si Pangulong Duterte sa pagmamasid sa parada ng nagtatangkarang kandidata ng Miss Universe sa Malacañang.
Nakasalamuha ng humahangang Pangulo ang kabigha-bighaning mga dalaga at hinimok ang mga ito “to be the change you wish to see in the world” sa kanilang pagdalaw sa Palasyo. Ang courtesy call ng Miss Universe candidates ay ginanap isang linggo bago ganapin sa Manila ang pinakamalaking beauty pageant sa mundo.
“Before I proceed, I’d like to make an admission that never in my life I have been with a room full of beautiful women. This is either privilege and an honor and I hope that this day will never end,” sabi ng Pangulo, na ikinatawa ng mga nakikinig. Ipinaliwanag ni Duterte, na larawan ng tunay na ginoo sa kanyang Barong Tagalog, na mayroon siyang babasahing nakahandang talumpati bilang bahagi ng payo “to behave” habang kasama ang Miss Universe candidates.
“I usually do not read my speeches. I am not up to it really but this time because they told me that I must behave in my language, in the adjectives that I would be using to characterize or define your beauty, all of you,” sabi ni Duterte.
“And I must say that God is really good. Aside from the worries of governance, with all the troubles in the world, when we look at you, we forget the universe, but only you,” aniya.
Hindi lamang ang Pangulo ang nabighani sa matatamis na ngiti at kagandahan ng 84 Miss Universe candidates kundi maging ang Cabinet members, Palace staff at ang media nang bumisita sila sa Palasyo.
Hindi nakarating sina Miss Finland at Miss Switzerland na hindi maganda ang pakiramdam, ayon kay Department of Tourism Director Ina Zara-Loyala.
Sa kanyang speech, pinasalamatan ng Pangulo ang Miss Universe organization sa pagpayag na sa Pilipinas ganapin ang 65th edition ng prestihiyosong pandaigdigang kumpetisyon.
“It is an event which has undeniably brought enormous pride and joy for the countries of winning candidates. We all share of fame to our very own Ms. Gloria Diaz, Ms. Margarita Moran, and the reigning Ms. Pia Wurtzbach,” sabi ni Duterte.
Sinabi ng Pangulo sa mga kandidata ng Miss Universe na umaasa siyang masaya sila sa pamamasyal sa iba’t ibang lugar sa bansa tulad ng Vigan, Cebu, Baguio, Batangas, at Davao.
Samantala, sinabi ni Secretary Wanda Corazon Teo na nagpadala sila ng imbitasyon sa Pangulo upang manood ng Miss Universe pageant sa susunod na linggo pero hindi pa nila natatanggap ang kanyang kasagutan.
“We hope he will attend,” sabi ni Teo sa chance media interview sa Palasyo.
TOURISM AMBASSADORS
Dahil sa teknolohiya, ang mga kandidata ng Miss Universe ay naging instant tourism ambassadors, sabi ng isang opisyal sa Department of Tourism.
“Ang pinakamalaking pagkakaiba ngayon from… 23 years ago, (ay may) social media na. Mismong mga kandidato ay naging tourism ambassador ng Pilipinas,” sabi ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre.
Ngayong panahon ng teknolohiya, sabi ni Alegre, panay ang kuha ng litrato ng mga kandidata sa mga pinupuntahan nilang lugar sa Pilipinas; at ipino-post ang mga ito sa kanilang social media accounts.
“Sa telepono nila, sila ay nagpo-post ng mga litrato nila kasama ang Pilipino at kasama ang mga lugar na pinuntahan nila. Isipin mo ito, ‘yung ibang mga kandidata ang daming followers…. Anywhere they go, nagpo-post. Kaya ang sinasabi natin dito, paghandaan talaga natin kasi dahil dito, magkakaroon tayo ng boom sa tourism ngayon,” sabi pa niya.
(Genalyn D. Kabiling at Charina Clarisse L. Echaluce)