Dalawang umano’y drug pusher at holdaper ang nasawi makaraang paulanan ng bala ng mga hindi nakilalang salarin na sakay sa motorsiklo sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot sina Glenn Villaluna, alyas “Glentoy”, nasa hustong gulang; at Gerardo Hechanova, alyas “Ging-ging/Palos”, nasa hustong gulang, kapwa taga-Saint Jude Street, Multinational Village, Barangay Moonwalk, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga armadong lalaki na responsable sa pamamaril sa mga biktima.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Police chief, Senior Supt. Jose Carumba, dakong 2:40 ng umaga nang mangyari ang insidente sa C5 Extension sa Bgy. San Dionisio.
Nakatayo ang mga biktima sa lugar nang biglang dumating ang mga armadong suspek na sakay sa motorsiklong walang plaka at pinagtulungang ratratin sina Villaluna at Hechanova.
Lumitaw sa pagsisiyasat na ang mga biktima ay kapwa sangkot sa pagtutulak ng droga at panghoholdap. (Bella Gamotea)