Tatlong katao, dalawa sa mga ito ay magkapatid, ang napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa drug operation sa Navotas City, nitong Huwebes ng hapon.

Sa report ni Northern Police District (NPD) Director Police Chief Supt. Roberto Fajardo, dead on the spot sina Maximo Tranija, 54; kapatid niyang si Marlon, 39; at Roel Pugoy, 25, pawang residente ng Sto. Niño, Road 10, Barangay NBBS ng nasabing lungsod.

Ayon kay Fajardo, bandang 3:45 ng hapon isinagawa ng Navotas Police ang drug operation sa lugar ng mga suspek.

“Base kasi sa report ng mga residente lantaran daw ang bentahan ng ilegal na droga sa lugar ng mga suspek, kaya nagsagawa kami ng drug operation,” ani Fajardo.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pagsapit ng mga operatiba sa lugar, agad silang napansin ng mga suspek at sila’y pinaputukan. Hindi na nagsayang pa ng oras ang mga pulis at pinagbabaril ang mga suspek na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Ayon naman sa pamilya ni Pugoy, hindi sangkot sa ilegal na droga ang kanilang kaanak at nadamay lamang ito sa pamamaril.

Narekober sa pinangyarihan ang dalawang cal. 38, dalawang plastic sachet ng umano’y shabu at drug paraphernalia.

(Orly L. Barcala)