SA pagpasok ng 2017, nanatiling number one ang GMA Network sa nationwide TV ratings ayon sa Nielsen TV Audience Measurement.

Mula Disyembre 2016 hanggang Enero 15, 2017 (base sa overnight data ang Enero 8 hanggang 15), muling naungusan ng GMA ang kabilang istasyon sa National Urban Philippines sa naitalang people audience share na 41.7 percent, mas mataas ng 7.5 points sa 34.2 percent ng ABS-CBN.

Nanguna ang GMA sa lahat ng timeblocks - simula umaga hanggang primetime – bunga ng patuloy na pagtangkilik ng mas maraming manonood sa mga programa nito.

Base sa data sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM), pito sa sampung programang may pinakamataas na ratings sa bansa ay mula sa GMA.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Number one pa rin ang Encantadia, kasunod ang Alyas Robin Hood ni Dingdong Dantes.

Nanatili ring panalo sa NUTAM ang 24 Oras kasama ang weekend top-raters na Pepito Manaloto, Kapuso Mo, Jessica Soho, at Magpakailanman.

Ang programang Meant To Be, na unang handog ng GMA sa taong 2017, ay wagi agad sa ratings at napabilang din sa top 10.

Pasok din sa mga nangunang programa sa NUTAM ang Hay Bahay, Kapuso Movie Night, Tsuperhero, 24 Oras Weekend, Someone To Watch Over Me, Wowowin, Eat Bulaga, Pepito Manaloto, at Imbestigador.

Nagpalakas din sa ratings ng Kapuso Network ang Superstar Duets, Sunday Pinasaya, Bubble Gang, at ang Ika-6 Na Utos.

Ang GMA Christmas Special na Magic of Christmas at New Year Countdown na Lipad Sa 2017 ay nakakuha rin ng mataas na ratings at tinalo ang ibang TV programs sa katapat nitong timeslot.

Nanguna sa nationwide ratings ang GMA noong 2016 dahil sa consistent at malakas nitong performance mula Setyembre nang masungkit nito ang nationwide ratings lead mula sa ABS-CBN. Para sa 2016, nakapagtala ang GMA ng full year average people audience share na 37.3 percent sa NUTAM, mas mataas sa 37.1 percent ng ABS-CBN - patunay na isa na namang makasaysayang taon ang 2016 para sa Kapuso Network.

Hindi rin natinag ang GMA sa Urban Luzon na bumubuo ng 77 percent ng mga manonood sa urban TV homes ng bansa. Sa parehong performance nito ng full year 2016 hanggang sa unang bahagi ng Enero 2017 ay lamang pa rin sa kalaban ang network sa lahat ng dayparts.